NAPASYAL AKO SA Broadway Centrum at nakipagkita sa reyna ng barangay ng bayan at naki face-to-face sa walang iba kundi si T’yang Amy Perez. Oh, no! Oh, yes! Naki-one-on-one talakan din ako sa kanya. Medyo kinakapa ko ang ugali niya habang nagtatanong, kasi pakiramdam ko, masyado itong prangka at diretsahang sumasagot sa mga tanong. Napanood ko na iyong dati niyang show sa TV5, kung saan may nagpupukpukan pa. Nawala ‘yun sa ere na tila marahil, hindi naintindihan ng ibang viewers ‘yung tema dahil medyo brutal daw.
Sa ngayon, tila nag-iba sila ng concept na tanggap naman ng masa dahil naman totoong nangyayari ito sa mga common na tao, “Ah, tinawagan po nila kami (ng TV5). May dating show po kami sa TV5 ‘yung Diretsahan. Ini-revive po namin ‘yun. We made a better version ng Diretsahan, ang Face to Face… ‘yon na ‘yon ngayon.”
Ayon kay T’yang Amy, pinupuntahan ng staff nila ang bawat barangay at inaalam ang mga problema, tapos naggi- guest ito sa show.
Uhumm… joke nga muna T’yang Amy. Wow naman kasi! Lahat ‘ata ng problema ng barangay nai-encounter mo na, sila sawsawera, pero ikaw yata ang tunay na sawsawera, ha?! “Hahahha! Actually, ang trabaho ko eh, alamin kung ano ang problema. Nagme-mediate po ako, hindi po ako nagsasawsaw.”
Ah, kasi nandon siya palagi, eh. What I mean, lahat ng tsismis nasasagap niya. Mahirap ‘yun! Bukod ‘yung Trio Tagapayo na kasama niya na may pari, attorney at psychologist. Kaya naman nakaka-bilib din ang matututunan sa mga sinasabi nila.
Ayon kay Tyang, nasa class C, D at E ang karamihan sa kanyang guests. “Halimbawa ng mga kaso ay katulad ‘yong nakagat ng aso ‘yung kapitbahay. So nalaman natin katulad kay Atty. Acosta na kung sa batas, ano dapat ang responsibilidad ng isang tao kapag nag-alaga ng aso.”
You mean kapag medyo may aso na, medyo middle class na kaso na ‘yan? “Hindi naman po, sinasabi ko lang kasi iyong topic na ‘yan eh, medyo me kaya po iyong tao.”
Joke lang Tyang Amy. Kasi ‘pag class ‘C’ malamang-lamang na mapulutan ang aso. Hahaha!
Ito naman ang mga shows ni Tyang sa TV5. “Actually, meron akong ‘Sapul sa Singko’ na under sa News and Current Affairs. Sa Entertainment, dalawa iyong palabas ko. Iyong ‘Face to Face’ at saka iyong ‘Untold Stories’ mula sa ‘Face to Face’ kung saan mapapanood iyong before and after na buhay nu’ng bawat nagiging bisita namin sa Face to Face.” Sinabi ni T’yang na nagpapasalamat siya sa pagkakaroon niya ng mabuting opportunity at responsibility dahil sa magagandang shows niya. Bagama’t, pinatunayan niyang isa siyang mahusay na host sa telebisyon na related din naman sa kinuha niyang kursong Psychology.
AH… MAY ASAWA ka ngayon? “Ah, hahahah! Si Kuya naman nakakatawa. Meron po akong dating asawa. Pero ‘wag na po nating pag-usapan.”
Ah, ok lang. May anak kayo o wala? “Meron po,” napapahagikgik na sagot ni Tyang Amy. Ang kanyang bunso si Sean Kyle ay two years old at ang panganay niyang si Adi ay 13 years old. Inamin niya rin sa akin na anim na taon na silang nagsasama ng ‘tsowawerts’ niya ngayon. “Corny nga po ang buhay ko eh, walang intriga. Ah, nababalanse ko naman ho kasi kahit papaano, nagagawan ko naman po ng may mga araw na pagdating ko sa bahay, talagang nanay na ako. I love the fact na this time may taong nagmamahal sa akin. Pinapahalagahan ako at kayang tanggapin ang maganda at pangit sa akin, at nirerespeto ako.”
Dahil mahihilig ang kanyang mga anak na magtugtog ng instruments, tinanong ko kung gusto rin nitong sundan ang yapak niya? “Wala naman po kaming napapag-usapan. Pero gusto ko rin po na makatapos muna sila ng pag-aaral.”
Diretsahan din ang disiplina niya sa kanyang mga anak at praktikal dahil sa kanya, walang lock-lock ng pinto para in case daw ng lindol at fire, kakatok lang at mabubuksan na nila ang pinto.
T’yang Amy, ano ang suot mo ‘pag andun ka lang sa bahay? “Ah, kupas na T-shirt. Kupas na short.” Bakit naman? “Wala naman po, parang simple lang!” Pero bumibili ka rin sa ukay-ukay? “Bumibili, minsan!” Pero ‘yung kupas na T-shirt, binili mo pa du’n? “Hindi naman po, minana ko na.” Haaay! ‘Di umubra ang pangungulit ko. Samantala, hilig niya talaga ay magluto at mag-yoga exercise.
Sikat na talaga si T’yang. Nakita ko siya du’n sa kahabaan ng highway, eh! Pagdaan ng sasakyan ko, nakita ko mukha n’ya na nakalagay sa bawat poste ng MRT. Amy Perez… Amy Perez… paulit-ulit. “Ah, may mga billboard po,” napapayukong hagikgik ni T’yang Amy.
Ito ang Larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, call tel no. (02) 3829838, e-mail: [email protected] or visit www.pinoyparazzi.net
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, e-mail: orobiakpp[at]yahoo.com and/ or maestrorobiaparazzi[at]yahoo.com.
ni Master Orobia