MEMORABLE EXPERIENCE ANG naging trip namin nina Fanny Serrano (PICA President, Philippine International Cosmetologists Association), Gem Manuel (Secretary General & Pica Board Member), Bong Policarpio, Sharon Iba ( both PICA Board Members), Carlito Peralta at Kne Palmer (Sujiivana salon, Director, Salon Operations & Training Academy) sa PICA Regional Competition sa Nueva Ecija chapter last week. Three hours drive from Manila to Nueva Ecija kaya mahaba-habang kuwentuhan.
Masayang ibinalita ni TF na maipalalabas na ang Tarima sa Metro Manila this coming November 3, Wednesday, without cut. “Kung hindi pa ako gumawa ng indie film, hindi ko malalaman na mahirap palang ikuha ng playdate ang ganitong klaseng pelikula. Nalulungkot ako kasi napakaliit ng tingin ng mga theater owner sa indie film. Hindi lahat ng indie film ay basura, marami naman matitinong pelikula akong napanood na indie… Dapat sana’y suportahan ng gobyerno ang movie industry at indie films para muling manumbalik ang sigla ng Pelikulang Pilipino,” say ng fashion icon na happy sa takbo ng kanyang showbiz career.
Kung hindi nga lang super hectic ang schedule ni Fanny, tatanggapin sana niya ang offer ni Direk Joel Lamangan para sa Beauty Queen ng GMA-7. “Personal akong inalok ni Direk para sa gay role na kaibigan ni Elizabeth Oropesa na ngayon ay napunta kay Bembol Roco,” chika niya. Hindi kakayanin ng power ng beauty expert ang taping schedule na ibinigay sa kanya ng GMA-7. “Fully-booked na ako hanggang January next year, may US trip pa kami ni Sharon Cuneta plus ‘yung PICA Regional Competition all over the Philippines at may National Competition sa MOA,” dugtong pa ni TF.
Nang dumating kami sa Mega Center Mall, Cabanatuan, kung saan gaganapin ang Hair & Make-Up competition sa tulong ng Wella, Clairol Professional, Natasha Beauty, L’Oreal Professional, Cosmo Care International and Beautylane Philippine, na-shock kami sa dami ng taong sumalubong sa fashion icon. Nakaabang na ang Nueva Ecija chapter at mga fans ni TF sa kanyang pagdating. Talbog ang ibang celebrities kay Fanny na gustong makipagkamay, magpa-picture at makausap ang kanilang idolo.
On it’s first day of the competition, nagpakitang-gilas ang Nueva Ecija chapter sa Mega Center Mall. Nag-hair & make-up exhibition ang mga ito at rumampa ang kani-kanilang modelo sa harap ng maraming tao in different hair style and make-up. Nakakatuwang panoorin dahil lahat sila’y napakahusay sa larangan ng pagpapaganda. Nakatawag-pansin sa amin nina TF ang kakaibang hair style and make-up ni Enrique Marquez sa kanyang mga modelo. Nag-champion na pala siya sa Hair & Make-Up Competition sa Dagupan at Baguio City.
Nang matapos ang nasabing patikim ng Nueva Ecija chapter sa kanilang kababayan, isang masaganang hapunan ang inihanda ng PICA Nueva Ecija President na si Rowie Cucal at miyembro nito sa Hapag Vicentico’s na pag-aari ni Pia Salazar. Napakaganda ng ambience, para ka lang nasa bahay at lutong Pilipino na super sarap lalo na ang kanilang desert, grabe! Doon na rin ginanap ang napakabonggang presscon ng nasabing event.
After dinner, sinamahan na kami ni Rowie sa hotel, kung saan kami naka-check-in. On the day (Wednesday, October 13) of the competition, maaga pa lang, ready na for action ang grupo namin ni Fanny for motorcade around Cabanatuan City. Pagbungad pa lang namin sa mall, major-major sa kapal ng taong super excited na mapanood ang kakaibang hair & make-up competition. Ang ibang nagsilahok ay galing pa sa iba’t ibang probinsiya.
Tumayong judges sina TF at PICA Manila chapter na sina Gem, Kne, Bong, Sharon, Carlito, Rowie, Erwin Fronda (PICA, Vice-President) and Enrique para sa competition ng Men’s Hair Cut, Color & Style, Ladies’ Hair Cut, Color & Style, Bridal Make-Up and Red Carpet Look. Bago nagsimula ang competition, taos-pusong nagpasalamat si TF sa mga manonood. Napaka-warm kasi ng pagtanggap nila sa amin. Naging guest speaker ang former mayor na si Alvin P. Vergara. All support naman ang ibinigay ni Hon. Gov. Aurelio ‘Oyie’ M. Umali, Royce Group of Companies and Wynwood Pawnshop sa PICA Nueva Ecija chapter.
Neck to neck ang naging labanan, ten thousand pesos naman kasi para sa tatanghaling champion. Lahat ng judges ay isa-isang binubusisi ang mga modelo ng bawat nagsilahok. Nasaksihan namin kung gaano ka-perfectionist si TF when it comes to hair and make-up. Ultimo talukap ng mata tinitingnang mabuti kung malinis ang pagkaka-apply ng make-up. Pati hair color at hair cut dapat almost perfect sa paningin ng beauty expert. Sa totoo lang, deserving lahat ang mga nagwagi sa napakasayang big event na ito sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Congrats to all the winners!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield