SAKSI KAMI KUNG gaanong hirap ang dinanas ni Fanny Serrano habang ginagawa niya ang indie film na Tarima na dinirek ni Buboy Tan. Nandyan ang pasakayin siya sa ibabaw ng mini-bus sa Montalban, Rizal. Makipagsiksikan sa maraming tao sa kainitan ng araw para magsimba sa Quiapo Church. Paupuin sa gilid ng kalsada sa Lambingan Bridge na parang pulubing binibigyang-limos ng bawat taong masalubong ang beauty expert.
Palibhasa bulag ang isang mata ni Fanny at nakatalukbong na itim na tela ang kaliwang mukha kaya hindi mo agad siya makikilala. ‘Yun naman ang gustong mangyari ni Direk Buboy, maging effective ‘yung character na ginagampanan ni TF, na-achieve naman niya. Panakaw lahat ang mga eksenang kinunan nang araw na ‘yun. Walang pahinga, tuluy-tuloy ang shooting ng mga artista hanggang sa abutin na kami ng gabi sa lansangan. Wala kang maririnig na reklamo mula kay TF dahil ini-enjoy niya ito.
Sa tulong ni Fanny, napakiusapan niya sina Gloria Romero, Rustica Carpio, Gina Alajar, Ana Capri, Chokoleit at Rocky Salumbides para maging bahagi sila ng proyektong ito. “ Nag-usap kami ni Direk kung sino ang babagay sa bawat character. Ako ang nag-suggest na sila ang kunin, hindi ako nagdalawang-salita napapayag, ko agad sila kahit maliit lang ang talent fee. Willing silang suportahan ako for this film dahil sa akin tatakbo ang istorya.”
Kahit indie film lang ang Tarima ni Fanny, buong-puso niya itong ipinagmamalaki . Hindi raw kailangang nasa mainstream ang isang pelikula para bigyang halaga ng manonood. Wala naman sa laki ng ginastos para masabing nasa mainstream ang isang pelikula. Kailangan magustuhan ng manonood at maka-relate sila sa bawat character ng nagsisiganap. Para bang nakikita nila ang sarili nila sa bawat character ng artista.
Para kay TF, “Very challenging itong project. Para gawin akong bida, ibang klase ang pakiramdam. Siyempre, nandu’n din ‘yung fear factor, mabibigyan mo ba ng justice ‘yung role? Thankful ako sa pagtitiwala na ibinigay sa akin ni Direk Buboy, ng producer, kahit small budget lang ito. Ang mahalaga ay nagtiwala sila sa kakayahan ko bilang artista. Alam nating basta indie film hindi agad nababawi ang puhunan. Ang importante, huwag kaming mapahiya roon sa pelikula na pinagtapunan nila kahit maliit na halaga lang,” say ni TF.
May chemistry sina Direk Buboy at Fanny, mabilis ang pick-up nila sa isa’t isa kaya madaling natatapos ang bawat eksena. “Ang gusto ko kay Direk Buboy ‘yung iniisip kong eksena nasa isip rin niya. Pareho kaming involved sa role ng bawat artista. Ramdam na ramdam ko ‘yung role ko kaya seryoso kong ginagampanan ito.”
Alam nating Born-Again Christian si Fanny kaya marami ang nag-react nang mapanood ng kapwa niya Christian ang sexy scene sa baguhang Raymond Cabral sa Tarima. “’Yun nga, si Phillip Salvador gumanap na demonyo sa “Panday” at si Connie Reyes sa “Rubi” na parehong Christian na tulad ko. Kahit si Princess Punzalan, karaniwang kontrabida ang role sa TV at pelikula. Sa akin, nag-react sila, kasi ang nakita nila sa teaser ay si Fanny. Hindi ako ‘yun, kundi ‘yung character na ginagampanan ko, hindi si Fanny Serrano. Pati nga ‘yung pananahi ko ng mga damit ng santo sa pelikula, kinukuwestiyon din. Naipaliwanag ko na sa kanila at naunawaan naman nila ako.”
Sa teaser pa lang ng Tarima ni TF sa Facebook, masasabi naming makabuluhan ang pelikula. First time makikipaglaplapan on screen ang beauty expert sa baguhang si Raymond plus passionate love scene with Rocky.
“Yung ilusyon ko sa love-making, kay Raymond ko first na-experience kaya everytime na magkita kami para kaming hayok na hayok sa ginagawa namin. Para kaming mga daga na nagtatago kay Tita Gloria kaya kapag nagkikita, kiskisan nang kiskisan.
“Iba naman ‘yung kay Rocky, may feeling dahil na-in love ako sa kanya. Actually, si Rocky ang kabuuan ng pangarap ng isang bading. Pinag-usapan na namin ni Direk Buboy ‘yung love scene namin ni Rocky sa mismong Tarima sa loob ng Manila City Jail. Pareho kaming nakahubo’t hubad habang nagla-love making. Gagawin ko ‘yung scene in a very artistic way na hindi bastos lalabas. Sa last shooting day namin next week kukunan ‘yung eksena,” excited na kuwento ni TF.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield