EFFORT AT NAKANGANGARAG ang manood ng concert sa open field concert venue ng Mall of Asia. Tulad sa inaasahan, dinagsa ng maraming manonod ang concert ng dalawang American Idol discoveries na sina David Cook at David Archuleta roon. Okey lang sana, pero hindi talaga kumportable ang panonood sa open field ng MOA.
Para itong isang malawak na junk shop, at ewan kung bakit ang grupo ng Fearless Productions ni Jomari Yllana ay rito pa naisipang pagsamahin ang dalawang Davids. Naku, magpasalamat sila’t hindi umulan noong Sabado ng gabi! Kung hindi, baka katakut-takot na reklamo ang napala ng grupo sa pagpili sa MOA bilang venue ng nasabing concert.
Pray lang namin na hindi bumuhos ang ulan sa Hunyo, sa pagdaraos pa rin sa MOA ng concert ng Pussycat Dolls.
Sa performance ng dalawa, nagmistulang mall show lang ang ipinamalas ni David Archuleta. Marami sigurong tumitili-tili sa kanya, because he’s young. Pero, roon namin nasipat ang boses niya. Hindi ito kasing-pulido ng kay David Cook. Sa totoo lang, mas maganda pa ang quality ng boses ni Bugoy Drilon (never mind the itsu!) kaysa kay David Archuleta.
Doon namin napagtanto na talagang deserving si David Cook na mahirang bilang American Idol noong nakaraang season nito. Nabuhay ang concert dahil kay Cook, lalo na sa rock numbers niyang kahit hindi popular, impressive pa rin ang interpretations niya. He has the makings of another Bon Jovi or Billy Idol.
Lalong nagtilian ang marami nang kantahin ni Cook ang awiting isa sa nagpanalo sa kanya sa American Idol, ang Mariah Carey original na “Always Be My Baby.” At ‘yung sinasabing pagkasuplado niya, hindi namin napansin ‘yun nang mag-perform si Cook. May natural charms si Cook na hindi pa-cute, lalo na nang sabihin niya ang mga katagang, “Salamat po so much!” At sa pagta-Tagalog niya, nasabi niyang, “I don’t know if I’m getting it right!” That, for us, is simply adorable for a foreign act.
Kasumpa-sumpa lang talaga ang venue. Na marami ang nagsasabi sa aming masuwerte pa rin kami dahil complimentary naman ang ticket namin. That’s exactly not the point. We feel for those na nagbayad ng tickets just to get in. Hindi biro ang kamahalan ng presyo ng ticket for a venue as lousy as MOA.
Naglagay pa kasi ng mga upuan, eh, hindi naman maayos ang seating arrangement. Ang nangyari, nagtayuan ang mga tao sa upuan, at ang nakawawa ay ‘yung mga nakatayo sa likod na hindi na nakapanood nang matino. This is the most stupid thing to happen in a concert as big as the Cook-Archuleta show in Manila.
Calm Ever
Archie de Calma