Fans sa palasyo

 

BINAGYO AKO NG tila nagrereklamong text mula sa mga ‘di kilalang tao dahil sa umano’y batikos at kantyaw kay Pangulong Noy. Aba, imbes mag-alala o matakot, nagalak ako. ‘Di lang pala mga kamag-anak at drayber ko ang nagbabasa. Biro mo, napadpad na sa Palasyo ang sinusulat ko.

Totoo lang, paglilingkod sa bayan at pagkatotoo sa propesyon ang una at huli kong layunin. Walang dahilang personal.  Lahat ng columnists, ganito ang dakilang misyon. Kalusugan ng demokrasya ang pagpuna o pagpuri sa mga lingkod-bayan. ‘Alang dapat mapikon.

Nu’ng panahon ng dating Pangulong Erap, naglingkod ako bilang Press Undersecretary. Para akong nakasalang na bibingka. Apoy sa ilalim, sa ibabaw at tagiliran. Araw-araw, batikos at kantyaw ang aking kinakain. Buti na lang, ‘di ako nagka-ulcer o malubhang sakit sa tiyan.

Dahil beterano ako sa larangan, ‘di ako mapikun-pikon. Bring them on. Just spell my name right. Kantyaw ko. Parang Ping Pong game. Balikan ng pinapalong bola.

Maraming sitwasyon, napakiusapan ko si Erap sa paghahabla ng libel. ‘Di dapat balat-sibuyas. Trabaho nila. Tuwina’y payo ko.

Batu-bato sa langit. Kung sino man ang nasaktan sa batikos at kantyaw sa Palasyo, dispensa amigo. Atas ng tungkulin. Aking panuntunan: isyu at kabutihan ng bayan.

Nariyan na ako: dapat bigyan ng tuldok ang imbestigasyon ng maraming kaso nu’ng nakaraang administrasyon. Ngunit ‘yan ba lang ang pag-aaksayahan ng panahon?

Tutukang mariin ang suliranin ng kahirapan, peace and order, kalikasan, taas ng gasolina at pangunahing bilihin at kapakanan ng OFWs. Kundi lalung pupulutin ang bayan sa kangkungan.

Pangulong P-Noy, let’s move on. Durog sa publicity na ang mga kalaban. Pabayaan ang korte. Roll up your sleeves and work – finally.

KAMAKAILAN, HULING RASYON ng halik ng a-king apo. Si Anton, 15, first year high school sa Ateneo. Lo, will just give you five. Hope you’ll understand.

Napamulaga ako. Pilit na ngumiti, itinago konting pagdaramdam. Kelan lang, karga-karga ko pa ang paslit na Anton. Sa UAAP games, akay-akay ko. Sa mga malls, para bumili ng video games, yapus-yapos ko. Ngayon isa nang teenager, makapal ang gel sa buhok at matagal sa salamin.

Bigla akong nakaramdam ng ibayong pagtanda.

‘Di bale, nariyan si Daniela. Pangalawang apo, edad 12. Ay, amoy-baby pa. Nagpapakarga pa. ‘Yun lang, addicted sa texting kaya numinipis ang bulsa ko kahihingi ng pang-load.

‘Di malaon, matutulad na kay Anton. Buti kung magpaalam pa siya. Teka, saglit lang. Nasa likod siya, humihingi ng pang-load. Ora mismo, sabi ko. Baka kasi magbago’ng isip at biglang ‘di magpahalik at magpakarga. Ay, kalbaryo at kaluwalhatian ng isang lolo!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMga iligalista sa Camanava at Kyusi
Next articleIminulat kasi ng young actress… Jason Abalos, muling binuhay ni Jewel Mische?

No posts to display