MOVE OVER, Pitoy Moreno at Paul Cabral. Sa mga naging grand fashion shows ninyo walang maipaparis sa idinaos na fashion show nu’ng SONA ni P-Noy sa Kongreso. Wala silang paki kung naghihirap ang bayan. Na kung ‘yong mga dukha sa Payatas o Tondo ay nagdurugo ang tiyan dahil sa tinding hapdi at gutom. Ola, ola! Naglalakihang diamanteng hikaw na nakasingkaw sa mga tenga ng babaeng mambabatas. Mga karat at ternos, nangin-gislap sa luningning ng Batasan chandeliers. At mga kalalakihan? Outlandish barongs at New York-tailored amerikana. Talagang wala silang kunsensiya… este, walang pakialam.
Ang fashion show ang taunang side show ng SONA. At ito ang pinapanood ng karamihan. ‘Di ang talumpati ng sinumang pangulo na nabasa na sa balutan ng baboy at tinapa. Sa totoo lang, dapat palitan ang SONA ng SANA. Sana’y bumuti na ang buhay; sana’y matahimik ang kapaligiran; sana’y wala nang kurakot.
Maverick senador Joker Arroyo ay nabanggit sa pahayagan na hindi umano dumadalo ng anumang SONA kahit nu’ng administrasyon ni Cory. Alam na raw niya ang mangyayari. Magic at bubble gum statistics. Talumpati ng masterpiece na buladas. Kung maaari lang dapat wala ng SONA. Aksyon na!
Este… ano ba’ng pinamamayagpag ni P-Noy sa nakalipas na SONA? Ay, wala akong naalala. Kasalanan ko, kasi sa mga plunging necklines ako nakatitig bukod sa iba pa. Sampung revisions daw ang pinagdaanang draft ng SONA. Pina-suspense pa tayo, ‘yun pala alam na natin ang lalamanin.
Subalit tagumpay ang fashion show. Sayang, ‘di ito nabanggit ng Pangulo. Mas pinalakpakan ito keysa talumpati niya. Sori, huh, mga sipsip.
SAMUT-SAMOT
KAMAKAILAN NAGDIWANG ng 50 taon sa pelikula si Gov. at Star For All Seasons Vilma Santos. Ang bilis ng panahon! Mula sa isang super child actress, humantong si Vilma bilang isang masugid na public servant. Ngunit puso’y nasa pelikula pa rin. Akyat, panaog ang naging nakaraan niya. Tagumpay at luha. Sa marriage, dumanas siya ng hapis. Subalit ngayon kay Sen. Ralph Recto, she has moved on. Maligayang bati, Vilma!
KUNG SA pagbabago, may konting pagbabago ang bansa sa nakaraang 2 taon. ‘Di naman overnight, malilinis at mababago ang talamak sa sistema. In fairness to P-Noy, he’s exerting his best under the trying circumstances. One thing is sure: he cannot please everybody. Kapansin-pansin lang ang absence ng grand at sustainable program ng pamahalaan. No specific pathways leading to our desired goals. ‘Ika nga, puro patsi-patsi. ‘Pag may pumutok na problema, saksak ang solusyon. Walang leadership na kumpas. Nalilito ang karamihan. Day-to-day governance lang.
DALAMHATI ANG laman ng puso ko sa malagim na pagkamatay ng aking kaibigan, Nixon Kua, 49 kamakailan. Pinaslang siya sa tapat ng kanyang ginagawang bahay sa Ayala Subd., Calamba ng tatlong nag-aabang sa kanya. Robbery ang tanging motibo. Pagkabaril sa kanya sa bunganga, tinangay ng mga kriminal ang bag na naglalaman ng P90,000. Naulila ni Nixon ang maybahay at tatlong anak.
Mahigit na dalawang dekadang kaibigan ko si Nixon. Sikat na reporter ng Philippine Star at PR Consultant ni GMA at P-Noy, si Nixon ay naging PTA Administrator nu’ng panahon ni Erap. Siya rin ay naglingkod as PR Consultant ni Sen. Ping Lacson at Sen. Serge Osmeña.
Huli kaming nagkita nu’ng 2004 sa The Podium sa Ortigas, Pasig. Yakapan, balitaan at kantiyawan. ‘Di ko na siya nakatagpo simula noon. Hanggang dumating ang malagim na balita.
MGA GANITONG balita ay nakapapag slow down sa atin. ‘Di natin alam kung kailan tayo tatawagin para papanagutin sa ginawa natin sa mundo. Standard bigkas o reaksyon natin ay: Oh, kausap ko lang siya kamakailan. O nagkita lamang kami kahapon. Tulad ng gamot, lahat tayo ay may expiry dates. ‘Pag dumating ito, let’s pass our papers, finished or unfinished. Leksyon! Dapat laging handa at nakakapit kay Lord.
SA BUROL ng pinaslang na reporter, Nixon Kua, nagkita-kita kaming dating magkabarkada sa media. Si Star columnist Jarius Bondoc ay natagalan bago ako makilala. Abante columnist Ray Burgos ay dumating din. At very friendly at warm si Star columnist Marichu Villanueva. Masaya-malungkot ang pagkakataon. Si Nixon ay malapit na kaibigan. Sa 49, napakabata pa para dagliang pumanaw. Marami pa siyang magagawa sa kanyang propesyon. Hiram. Ang buhay ay hiram.
PAGKATAPOS NG mahabang panahon, nagkita muli kami ni Sen. Ping Lacson. ‘Di niya ako masyadong nakilala kaya malamig ang ngiti at walang init ang pakikipagkamay. Talagang ganyan ang buhay. Lahat ay nagbabago lalo na ang ugali at dating pakikitungo. ‘Di naman lahat ay ganyan. May mga kaibigang parang lumang sapatos. Walang pagbabago ‘pag isinuot.
MALAKAS ANG kutob ko na ang mga nahuling pumaslang kay Nixon Kua ay alaga ng mga pulis. Bakit kamo. Sa dami ng kaso at warrant of arrest, and’yan lang sila sa paligid at malayang sinasagawa ang kanilang operasyon. Kahit dumulog na ang mga biktima sa awtoridad sa Laguna, pinahihirapan pa sila. ‘Di kaya may second career at second source of income ang mga pulis na ito. Na sa mga nakukulimbat ng mga hudas na kriminal na ito, may bahagi sila? Sila ay alagad ng batas na dapat bigyan ng proteksyon ang mga mamamayang nagpapasahod sa kanila. Dapat sulit ang kanilang paglilingkod sa bayan. ‘Di mo sila masisisi. Mas malaki ang kanilang tinatanggap sa kanilang mga “alaga” kesa kanilang matinong suweldo.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez