Father Duffy, SJ

MAHIGIT NA 90-anyos si Fr. Duffy, SJ kung nabubuhay pa siya ngayon. Isa siya sa mga high school teachers ko sa Ateneo de San Pablo nu’ng dekada ‘60. Six-footer, medyo kalbuhin at pinkish face, si Fr. Duffy ay nagtuturo ng Latin at English subjects. Mabagsik, mabait at ‘pag minsan ay pasaway. Tubong-Arizona at kahit nag-iisang anak ay inihandog ang buhay sa pag-lilingkod sa Diyos.

Mahigit nang 2 dekadang nasarhan ang Ateneo de San Pablo matapos ang maraming taon pagpapatapos sa daan-daang mag-aaral. Pinakasikat na paaralang high school ito noon sa buong Southern Tagalog. Ikinalungkot ng daan-daang alumni ang nangyari. ‘Pag ako’y nauwi sa San Pablo, ‘di ko malimutang sulyapan ang dati kong paaralan na ngayon ay Lyceo de Laguna na ang turing.

Iba ang high school. Mga alaala nito ay mas da-lisay, makahulugan at matindi kaysa college days. Sa high school nagigising ang iyong pagkawalang-muwang at uri ng pagkakaibigan na ‘di mo na mararanasan kailanman. Sa batch ‘69 namin, mahigit na lang 50 kaming naiwan. Kaya continuous ang aming bonding habang tinatahak namin ang daan ng pagtanda.

Paborito namin si Fr. Duffy. Halintulad siya ng ugali at kultura ng isang purong Pinoy. Pagkatapos ng eskuwela, barkada namin siya. Sa misa, siya ang hinahanap namin kasi maikli lang ang sermon. ‘Di siya naghuhulog. Aral ka lang ng aral. Kagaya ng buhay. Araw-araw, dapat pag-aralan. Tuwina’y wika niya.

May pagkakunsintidor sa aming paninigarilyo sa labas ng campus. Sapagkat siya’y chain smoker. Paboritong brand ay Camel at Chesterfield. Mahilig mag-bike at mountain-climbing. Tuwing isang buwan, bitbit niya kami sa hobbies niyang ito.

Napakadalisay at malalim ang iniwan niyang alaala sa mga bata at inosente pang puso. ‘Di namin alam kung siya ay buhay pa. Ngunit ang mahalaga ay ang kanyang kakaibang alaala ang laging buhay sa aming isipan. Fr. Duffy, S.J.

SAMUT-SAMOT

 

WHEN IT rains, it pours. Ito ang nangyari kay dating Pangulong GMA matapos sampahan ng kasong Plunder dahil sa pagkalustay ng P305-M pondo ng PCSO. Pangatlong kaso niya ito. At balita, may mga susunod pa. Nakapagtataka na ni katiting ay walang public sympathy sa kanya. Kabaligtaran ang nangyari kay Erap. Matapos makulong at mapalaya, lalo siyang na-ging sikat.

SINO BA ‘yong government official na sumaludo sa kabaong ni Dolphy bago ilibing? Masyado raw OA at improper. Bakit sasaluduhan ang comedian, ‘di naman siya galing sa military. Sabi ng ‘di iilan, nagpapapansin daw kasi nanganganib sa darating na eleksyon. At itong si TESDA Chief Joel Villanueva. Ano bang pinapapel ng momoy na ito? Tatakbong senador? Wow, mali! Ano ang kanyang K?

SINAMPAHAN NG graft case ng Ombudsman sa Sandiganbayan si Cebu Gov. Gwen Garcia. Nag-ugat ang kaso sa diumano’y pag-apruba ni Garcia ng isang P56-M deal sa pagbili ng lokal na pamahalaan ng ilang ektaryang lupa. Kaliwa’t kanan – at talagang puspusan – ang aksyon ngayon ng Ombudsman. ‘Di katulad nu’ng panahon ni Merceditas Gutierrez. Sa ganitong paraan, mabubuhay muli ang tiwala ng tao sa judiciary. Ngunit marami pang reporma ang dapat isagawa. Nagkalat pa ang maraming corrupt fiscals at judges. Bilihan ng TRO ay talamak pa rin. Subalit kung may strong political will, darating din tayo roon.

DUMATING NA ang rainy season. As usual baha, trapik, brownout sa Kalakhang Maynila. Magkukumahog na naman tayo sa paglilinis ng baradong imbrunal at estero. Mga espaltadong kalye ay magbibitak na muli. At parusa ang trapik sa rush hours sa parehong commuters at motorists. Over-populated na ang Kamaynilaan. Panahon na para ipatupad ang urban dispersal. Kung hindi, ‘di aalis ang perennial problem. Isa pa, walang urban planning sa mga siyudad sa Metro. Ganyan ta-yong mga Pinoy: salaula, walang foresight o vision.

IBA NA ang daigdig ng aking 16-anyos na apo, Anton. Parang hinipang lobo ang biglang pagka-binatilyo. Lumagong na ang boses. At nag-ibang lahat ang mga hilig. Dati-rati, barkada kami ‘pag linggo sa mall; o basketball sa aming community court. Ngayon, pahirapan na para siya sumama sa akin. Medyo nalungkot ako.  Ngunit talagang ganyan ang takbo ng buhay.

PATAAS NANG pataas ang singil ng kuryente. Halos kalahati ng pinaghanap-buhay mo’y para lang ibayad dito. Gayon din ang bayad sa tubig. Bakit inutil ang pamahalaan? Bakit nakagapos ang kamay nito para mapababa kahit bahagya ang presyo ng kuryente at tubig? O ‘di nila alam na may ganitong suliranin.

ILANG TULOG na lang at “ber” months na. Ibig sabihin, ang halimuyak at sigla ng Pasko ay malalanghap at mararamdaman na. Ang bilis ng takbo at panahon ng buhay! Kasama rito ang ‘di maiiwasang pagtanda. Paminsan-minsan, dapat lumingon. Tingnan ang bakas ng nakalipas. Am I living a life of significance? Of ma-king a difference for the lives of others? Or I am just consumed by earthly needs and desires? Napakahalagang mga tanong.

PAGSULYAP KO sa Inquirer obituary tuwing umaga, mga namamatay ay mula edad 60 hanggang 80. Na-ngangahulugang tumaas na ang longevity ng buhay ng Pinoy. Dahil ito sa improved quality of life at modern medicines. Napakasuwerte ng ating henerasyon. Modern science has elongated the life span. Common deadly ailments like TB ay thing of the past na. Subalit problem pa rin ang cancer at diabetes. Wala pang natutuklasang mga gamot.

FORECASTED NA ang China na magwawagi ng pinakamaraming gold medals sa London Olympics. Susunod lang ang U.S., Russia at Great Britain. Sa Beijing Olympics, China rin ang nagwagi. Sa space na lang kulelat ang China. Sa lahat ng larangan, naungusan na ng bansa ang U.S. Ano ang kanilang sikreto?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBan Kahit Sa Matinong Trabaho?
Next articleNakapag-asawa ng Dayuhan, Gustong Magnegosyo sa ‘Pinas

No posts to display