ISANG malaking pagtitipon ng samu’t saring pelikula ang ika-4 na edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na magpapalabas ng hindi bababa sa 145 na pelikula — 67 na full-length films at 78 na short films.
Bilang organizer ng PPP, inaanyayahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang lahat ng stakeholders na magsama-sama at magkaisa para sa industriya ng pelikula. Ang “Sama All!” na slogan, na tampok sa PPP4 poster, ay imbitasyon ng FDCP para sa PPP4 na gaganapin mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 15.
Ang key elements sa poster ay kumakatawan sa mga pelikulang kasama sa 14 na sections ng online festival: PPP Short Films, Romance, Youth & Family, Classics, PH Oscar Entries, Genre, Bahaghari, Tribute, From the Regions, Documentaries, PPP Retro, Special Screenings, CineMarya, at PPP Premium Selection.
Mga pelikulang hindi pa napapalabas sa mga Pilipinong manonood o nagkaroon lamang ng limited release sa bansa ang kasama sa Premium Selection section. Tampok dito ang “Ang Lakaran ni Kabunyan: Kabunyan’s Journey to Liwanag” ni National Artist for Film Kidlat Tahimik.
Kasama rin ang dalawang classic ‘80s films: “Batch ‘81” ni Mike de Leon, kung saan executive producer ang yumaong si Marichu Vera-Perez Maceda at bidang aktor naman ang namayapang si Mark Gil, at ang restored version ng “Brutal” ng yumaong si Marilou Diaz-Abaya mula sa Philippine Film Archive ng FDCP.
Sina Amy Austria, Charo Santos-Concio, at Gina Alajar ang mga artista sa “Brutal” kasama ang mga namayapang sina Johnny Delgado at Jay Ilagan.
Ang “The Helper” ni Joanna Bowers ay documentary tungkol sa Filipino at Indonesian domestic workers sa Hong Kong habang ang “Itoshi No Irene (Come On, Irene)” ni Keisuke Yoshida ay live action manga series adaptation na pinagbidahan nina Ken Yasuda and Nats Sitoy. Nagkaroon ito ng international premiere sa 2018 Busan International Film Festival.
Kasama rin ang “Cleaners” ni Glenn Barit na Best Film sa Asian New Wave Competition ng 2019 QCinema International Film Festival at ang “Blood Hunters: Rise of the Hybrids” ni Vincent Soberano.
Ang Best Action Film at Best Martial Arts Film sa 2019 Urban Action Showcase International Action Film Festival ay pinagbidahan nina Soberano, Sarah Chang, Roxanne Barcelo, at Monsour del Rosario.
Tatlong entries sa 2020 Sinag Maynila Film Festival ay kasama rin sa Premium Selection: “He Who Is Without Sin” ni Jason Paul Laxamana na pinagbidahan nina Elijah Canlas at Enzo Pineda, “Kintsugi” ni Lawrence Fajardo na pinagbidahan nina JC Santos at Hiro Nishiuchi, at “The Highest Peak” ni Arbi Barbarona na pinagbidahan nina Dax Alejandro at Mara Lopez.
Ang isa pang espesyal na PPP4 section ay magsisilbing premiere ng final 12 short films ng CineMarya Women’s Film Festival.
Sa PPP Short Films mapapanood ang 66 na libreng pelikula mula sa Sine Kabataan Short Film Competition ng FDCP at 21 na regional film festivals.
Ang slogan na “PPP4, Sama All!” ay hindi lamang para sa filmmakers kung hindi para sa mga manonood din para mapahalagahan nila ang Philippine Cinema at makatulong sa hangarin ng FDCP na makapagbigay ng suporta sa industriya ng pelikula sa gitna ng COVID-19 na pandemya.
Lahat ng proceeds mula sa sales ng PPP Festival Passes ay mapupunta sa lahat ng producer na kasama sa PPP.
Tampok din sa PPP4 ang mga pelikula mula sa iba’t ibang producer at mula rin sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, CineFilipino Film Festival, at ToFarm Film Festival.
Gaganapin ang PPP4 mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 15 sa FDCPchannel.ph platform.
Para sa updates sa karagdagang PPP4 titles at iba pang impormasyon, bumisita sa FDCPchannel.ph o facebook.com/FDCPPPP.