HINDI NAMAN importante kung kayo ay magdiwang ng Araw ng mga Puso sa mismong Pebrero 14. Tayo pang mga Pinoy, bawat araw kaya ng Pebrero, ginagawa na nating Valentine’s Day! Likas kasi sa atin ang pagiging mapagmahal. Sa pagplano pa nga lang ng sorpresa para sa ating special someone, ramdam na ramdam na talaga natin ang Feb-ibig. Bilang napag-usapan na natin ang pagplano para ng Valentine celebration, mayroon na ba kayong naiisip na bagong pampakilig?
Madali lang ‘yan. Konting research-research lang ang katapat n’yan! Narito ang ilan sa mga puwede n’yong subukan.
- Astro Camp
Sino’ng nagsabing love is in the air? Abot-kaya hanggang kalawakan ang pag-ibig! Patutunayan sa atin ‘yan ng Astro Camp. Kakaibang gimik ito na puwede n’yong subukan. Isama ang special someone sa kakaiba pero nakakikilig na bagong getaway, ang Astro Camp. Susubaybayan n’yo ang isa sa pinakanakamamanghang kaganapan sa universe. Ang pagtatagpo-tagpo ng mga milyun-milyong mga bituin at sasamahan mo pa ng alignment ng limang planeta. Amazeballs, ‘ika nga! Tignan ko lang kung hindi kiligin ang partner mo sa kakaibang experience na ibibigay mo sa kanya. Mas nakakikilig na habang tumititig siya sa kalangitan, ikaw naman ay nakatitig sa kanya. Parang nasa universe ka na, pakiramdam mo ay parang nasa heaven pa. Ang Astro Camp o Astro weekend ay gaganapin sa darating na February 27 hanggang 28 sa Soloviento, Caliraya, Laguna.
Kailangan n’yo nang magmadali para makahabol pa sa early bird promo rate ng Astro Camp! Sa halagang Php 3,500, all in na! Kasama na riyan ang activities, kits, transportation, at meals. O, ‘di ba? Saan ka pa? Hanggang February 15 na lang ang promo na ito! Kaya ano pa hinihintay ninyo, mag-register na sa [email protected].
- 20th Philippine International Hot Air Balloon Festival
Siyempre, hindi puwedeng mawala sa listahan ang pagpunta sa 20th Philippine International Hot Air Balloon Fiesta sa darating na Valentine weekend o February 11-14. Kung ‘di n’yo trip ang manood ng mga bituin at planeta, mga nagsisigandahang hot air balloons na lang ang tingalain sa kalangitan! Paniguradong matutuwa ang kasintahan mo rito. Kung ‘di kayo kuntento sa pagnood, puwede rin naman kayong sumakay sa mga cute na hot air balloons. Subukan n’yo na rin ang iba pang air activities dito. Ito ay gaganapin muli sa Clark Field, Pampanga.
- Pinto Art Gallery
Kung mahilig naman sa art ang special someone mo, Pinto Art Gallery is the perfect place for you! Dalhin mo na siya sa Pinto Art Gallery. Hindi malayo ang biyahe mula sa Maynila, pero malayo sa gulo at polusyon ang feeling mo rito! Makararamdam ka ng out of the city feeling sa ganda ng art pieces sa Pinto Art Gallery. Moderno ito, pero suwabe sa ganda. Hindi boring. Ang maganda pa, puwede na rin kayong kumain sa restaurant dito. Sulit, ‘di ba?
Iilan lang ‘yan sa kakaiba pero romantic na pamamaraan para ipagdiwang ang love month kasa ang special someone. Tandaan, kahit tapos na ang Pebrero, dapat panatilihing buhay ang feb-ibig.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo