BLIND ITEM: ISANG nakakalokang blind item ang umiikot ngayon sa mga social networking sites at sa iba pang column sa mga tabloids tungkol sa diumano’y newcomer actor na biktima ng hindi magandang gawain ng iilang may alam sa showbiz.
Inuulit ko ang salitang ‘iilan’ dahil karamihan naman ng mga tao sa showbizness ay mga responsable, marespeto at ito ay nababahiran lamang ng masamang imahe ng mga taong, again, iilang taong pansariling interes lamang ang pinaiiral.
Ipinaabot na sa amin ng isang mapagkakatiwalaang source ang mga pangalan ng taong involved sa diumano’y pangmomolestiyang ito, pati na ang pangalan ng biktima pero mananatili muna itong misteryo hangga’t hindi pa kumpleto ang mga detalyeng ipinangako sa amin ng aming hindi na-ngunguryenteng kaibigan.
ILANG ORAS DIN ang ibiniyahe namin noong Lunes papuntang Emilio Aguinaldo, Cavite kung saan ginaganap ang taping ng bagong fantaserye ng TV5, ang Bangis, na pagbibidahan nina Oyo Sotto at Danita Paner.
Sa pakikipag-usap namin kay Oyo, halata ang excitement nito sa nalalapit nitong pagiging ganap na ama dahil buntis na nga ang misis nitong si Kristine Hermosa.
Tinanong namin si Oyo kung ano nga ba ang pinaglilihian ni Kristine, tawa naman ito nang tawa bago sumagot dahil puro ‘maaasim’ daw. Sinabihan nga daw nito ang asawa na baka maging ‘maasim’ ang bata paglabas nito, sabay halakhak pa rin dahil sa salitang ‘maasim’, na ewan ba namin kung anong kiliti ang hatid nito kay Oyo. ‘Yun na.
NOONG NAKARAANG TAON pa balitang may tampo raw itong si Felix Roco sa amang si Bembol Roco, pero balitang nagkaayos na rin daw sila.
Pero noong Lunes lang, sa set ng Bangis, kung saan isa sa mga cast si Felix, hiningan namin siya ng message para sa ama bilang Father’s Day nga naman sa Linggo. “Happy Father’s Day,” ‘yun lang at wala na raw siyang ibang masabi.
Matalinghaga ngunit may laman ang mga salita ni Felix. Sana, okay na nga talaga ang relasyon nilang mag-ama.
NGAYONG LINGGO, SELEBRASYON na ng Father’s Day. Isa itong pagkakataon na maipaabot natin sa ating mga ama ang mga salitang nagpupugay, pumupuri at may pagmamahal. Ang ating mga ama ang siyang gabay natin sa ating paglaki, sila rin ang katuwang ng ating mga ina na humubog ng ating pagkatao.
Siguro, tumpak na panahon na ito na sambitin natin ang salitang “I love you” na tiyak naming magbibigay sa kanila ng ngiti habambuhay. Happy Father’s Day sa aking namayapang ama at sa aking mga kapatid na ama na rin at sa lahat ng ama sa buong mundo.
Follow me on Twitter: @arnielcserato. E-mail your blind items and hottest showbiz scoops sa [email protected].
Sure na ‘to
By Arniel Serato