Female ‘Coco Martin’ Mercedes Cabral, prinsesa ng indies

ISA SA MGA pinag-uusapang indie film ngayon ang pelikulang Ganap na Babae (Garden of Eve). Ito ay isang trilogy film tungkol sa kababaihan na humaharap sa iba’t ibang hamon ng buhay mula sa Hubo Productions. Ito ay pinagbibidahan nina Mercedes Cabral, Sue Prado, Jam Perez at Ms. Boots Anson-Roa sa ilalim ng direksyon nina Sarah Roxas, Rica Arevalo at Ellen Ramos.

Masuwerteng nakatsikahan namin ang tatlo sa leadstars ng nasabing pelikula. Sino ba naman ang hindi matutuwa kung ang tatlo sa pinaka-promising na female independent movie stars ang kasama mo sa isang kuwarto, aber?

Si Mercedes Cabral ang itinuturing na ‘Princess of Philippine Independent Movies’. Unang nakilala ang sexy morena star na ito sa pelikulang ‘Serbis’, kung saan siya ang leading lady ni Coco Martin. Iginawad rin sa kanya ang 61st Cannes Most Beautiful Red Carpet Woman noong 2008 para sa nasabing pelikula. Kahit na karamihan sa mga proyektong natoka sa kanya ay paseksi, hindi naman maikakailang may ‘K’ ang dalaga kung aktingan din lang ang pag-uusapan. Hindi na kataka-taka na expressive itong si Mercedes dahil graduate siya ng Fine Arts (Sculpture Major) sa UP. Naiintindihan nito ang iba’t ibang forms of art kaya wala itong kiyeme basta maganda ang tema ng isang proyekto.

Isang inang prostitute na iniinterbyu ng isang dokumentarista ang ginampanan ni Mercedes Cabral sa ‘Ganap na Babae’. Ayon sa kanya, ang pagganap bilang ‘Ina’ sa nasabing pelikula ang kanyang pinakapaboritong role sa lahat ng ginawa niya. Two shooting days lang ang inilaan para sa pelikula, pero nadala niya ang emosyon ng kanyang karakter ng isang linggo. Natutuwa kami dahil nalaman din namin na lalabas ito bilang kontrabida ni Megan Young sa Precious Hearts Romances pre-sents: Hiyas. Siya na ba ang female version ni Coco Martin na makaka-crossover from indie to mainstream?

Kasali rin sa pelikulang Ganap na Babae ang 33rd Gawad Urian Best Supporting Actress na si Sue Prado. Maituturing na isang baguhan si Sue pagdating sa showbiz, pero nagtapos ito ng kursong Theater Arts sa UPLB. Siya ang gumanap bilang Milagros sa ‘Kamote’ segment ng pelikula. Proud ang dalaga sa nasabing pelikula dahil dito maipapakita ang iba’t ibang pamamaraan ng pag-cope up ng kababaihan sa mga nangyayari sa kanya. Gumanap bilang kapatid niya sa pelikula si Jam Perez, isang flamenco dancer na isang third year BA European Language student sa UP Diliman. Ito ang unang sabak ni Jam sa pag-aartista, pero marami na agad ang humanga sa kanyang galing bilang E-lena sa pelikula.

Ang Ganap na Babae (Garden of Eve) ang isa sa mga pelikulang napili para makilahok sa SoHo International Film Festival ngayong Abril sa New York. Ngayon pa lang ay excited na kami hindi lang para sa pelikula, pero para na rin sa mga babaeng buong-pusong ginampanan ang kanilang mga papel bilang Filipina.

HotSeat-HotShot!
By Ronald M. Rafer

Previous articleItik-Itik!
Next articleYosi Time!

No posts to display