SAYANG AT WALA sina Vilma Santos at John Lloyd Cruz sa 26th Star Awards for Movies nu’ng Sabado. Sila ang itinanghal na Movie Actress at Movie Actor of the Year sa naturang parangal ng Philipppine Movie Press Club (PMPC) para sa pelikulang In My Life ng Star Cinema.
Nilalagnat daw si John Lloyd that night, kaya hindi ito nakarating, paliwanag ng taga-Star Cinema na siyang tumanggap ng tropeo kasama ang direktor ng pelikula na si Olivia Lamasan, na siya ring nagwagi ng Movie Director of the Year.
Si Luis Manzano naman ang tumanggap ng tropeo ng kanyang ina. Hindi raw nakarating ang Star for All Seasons dahil abala naman ito sa pangangampanya. Si Luis ang itinanghal na Movie Supporting Actor of the Year para pa rin sa naturang pelikula ng Star Cinema. At si Gloria Diaz naman ang Movie Supporting Actress of the Year para sa indie movie na Sagrada Familia.
Nang tawagin ang pangalan ni John Lloyd, pabirong kunwa’y lalabas si Ruffa Gutierrez na nasa backstage para tanggapin ang tropeo. Isa si Ruffa sa hosts that evening, kasama sina Lorna Tolentino at Boy Abunda.
Ang In My Life ang Movie of the Year at ang Puntod naman ang Digital Movie of the Year; ang direktor nito na si Cesar Apolinario ang Digital Movie Director of the Year.
Matagumpay na nairaos ng grupo ang taunang Star Awards for Movies. Congratulations sa lahat ng winners!
KUNG NU’NG UNA’Y urong-sulong pa si Rocky Salumbides na pasukin ang showbiz, ngayon daw ay sigurado na siyang sumabak dito. Matatandaang naging housemate ng Pinoy Big Brother Double-Up si Rocky, pero nag-voluntary exit siya dahil sa sobrang pagka-miss kay Eula Valdez.
“May pangako kasi ako kay Eula that time na kailangan kong tanggapin, kaya para patunayan na tutuparin ko ‘yon, lumabas ako,” paliwanag ng model-turned-actor sa presscon ng indie movie na D’Survivors last Friday.
Naging kontrobersiyal si Rocky nang kumalat ang nude pictures niya sa Internet. At may isang insidente raw na nag-walkout siya dahil pakiramdam niya ay nabastos siya ng isang movie writer nang ipakita nito sa kanya ang naturang larawan.
Kuwento ni Rocky, “Ipinakita niya sa akin sa cellphone niya. Ako raw ba ‘yon? Tinanong niya ako kung may iba pa raw pictures na gano’n na malaswa. Medyo na-offend ako. Ipinakita niya pa sa ibang tao sa paligid namin. Parang napapahiya na ako, kaya umalis na lang ako. Nainis lang ako. Umiwas na lang ako, kasi, baka kung ano pa ang masabi o magawa ko.”
Ang naturang nude photo ni Rocky ay bahagi ng coffee table book ng sikat na Singaporean photographer na si Leslie Kee. “It’s a charity book. ‘Yung napagbentahan, napunta sa isang organization that helped the countries na naapektuhan ng tsunami tragedy. Lahat naman ng models may isang nude shot talaga. They took one shot of me, at ‘yon ang kumalat sa Internet,” paliwanag pa ni Rocky.
Kahapon ay nagkaroon ng premiere night ang D’Survivors. Bukas, April 28, naman ang regular showing ng indie movie na mula sa direksyon ni Adolfo B. Alix, Jr.
BLIND ITEM: ANG mahal ng ‘talent fee’ ng female dancer ng isang variety show. P100k daw ang asking price nito. Tinawaran nga raw ng isang prospective client na P70k na lang, pero hindi ito pumayag. Kaya naman daw high-priced ang TF ng hitad, e dahil nakatsuksakan na niya ang isang hunk actor – na nagbayad din sa kanya, considering na sa guwapo nitong hunk actor na kahit libre ay papatulan ng ibang babae. Pero less than the asking fee daw ng female dancer ang ibinayad ng hunk actor. Kaya naman sa ibang kliyente na lang daw ito ‘tumataga’ ngayon. May ‘tatak hunk actor’ na kumbaga ang hitad, e.
Bore Me
by Erik Borromeo