MAINIT NA trending topic ngayon ang Fifty Shades of Grey. Lalo na ngayon na isasa pelikula na ito. Kahit naman noon pa lamang na ito ay nasa e-book pa lang, kayrami na ang nahumaling dito kaya naman matapos ang pagmamayagpag sa e-book, nailathala na rin ito bilang print-on-demand.
Ang nasabing print-on-demand ay isang printing technology process business kung saan maglalathala lang ito ng maraming kopya kapag may order request na dumating. Ang Fifty Shades of Grey ay naging isang phenomenal print-on-demand. Minsan nga, nagkakaubusan pa ng kopya agad-agad kaya naglalathala pa rin sila ng maramihan dahil sa kakaibang laki ng bilang ng order requests na natatanggap upang mag-print pa ng librong ito.
Ang Fifty Shades of Grey ay isang erotic romance novel na isinulat ng isang Briton na si E. L. James. Kapag sinabing erotic romance, ito ay nangangahulugan ng pag-develop ng isang romantic relationship sa pamamagitan ng sexual interaction. Kaya nga nababansagan ng netizens na ang Fifty Shades of Grey ay isang #RatedSPG. Nai-publish ito noong Hunyo 20 taong 2011 ng Vintage Books. At simula noon, naging trending topic na ito at napanatili nitong maging trending hanggang ngayon kahit tatlong taon na ang nakalipas.
Isang trilogy ang Fifty Shades of Grey. Sa unang volume nito, ipinakilala na ang mga pangunahing bida sa kuwento na si Anastasia Steele, isang fresh graduate sa kolehiyo at si Christian Grey, isang batang businessman. Sa ikalawa at ikatlong volumes naman, nailathala lang ito noong 2012 at hinirang ito bilang top bestseller sa buong mundo. Paano ba naman 100 milyong kopya ng Fifty Shades of Grey series ang nailathala at nabili. Naisalin din ito sa 52 na iba’t ibang wika. At hindi lang ‘yan. Hindi lang ito basta-basta bumenta sa lahat dahil ito ang pinakamabilis na nabenta sa lahat ng librong nailathala sa buong mundo.
Ang Fifty Shades of Grey ay mas lalo pang naging hit nang sa unang pagkakataon, pinal nang inilabas ang official trailer nito. Aba, agad-agad itong naging trending sa lahat ng uri ng social media sites. Umani rin ito ng higit sa limang milyong views sa unang release ng trailer nito sa YouTube. At sa puntong ito na dalawang araw pa lang ang nakakalipas ng unang nakita ang trailer, ito ay mayroon nang humigit sa sampung milyong views. Naging trending din ang mga artistang magbibigay sa karakter nina Anastasia Steele at Christian Grey na sina Dakota Johnson at Jamie Dornan.
Samu’t saring reaksyon ang natanggap patungkol sa nasabing trailer. May nagsasabi na akmang-akma ang mga artista na napiling gumanap, pero ang iba naman ay sinasabi na hindi raw nabigyan ng hustisya ang mga karakter. Pero kahit ganoon pa man ang mga opinyon, iisa lang ang sigurado riyan, tiyak isa na naman itong blockbuster hit.
Ang sinasabing 40 million dollar budget film na Fifty Shades of Grey na direksyon ni Sam Taylor-Johnson ay ipalalabas sa sinehan sa Pebrero 13 ng susunod na taon. Pero ngayon pa lamang, kayrami na ang hindi na makapaghintay para rito. May lumalabas din na balita na ang mga nasa edad 21 pataas lamang ang maaaring manood nito dahil nga sa mga eksenang #RatedSPG.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo