“TUMITINDIG, SUMUSULONG“, ‘yan ang tema ng UAAP Season 78 ngayong taon. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na isa sa pinaka-highlight ng UAAP ang Men’s Basketball games. At, buhay na buhay ang tema sa season ngayon dahil lahat ng bawat UAAP teams ay talaga namang tumitindig, sumusulong. Hindi gaya ng mga seasons noong nakaraang taon, halos expected mo na agad ang mangyayari gaya ng magiging Final 4, papasok sa semis, maghaharap sa championship round, at kahit magiging kampeon, eh medyo predictable na rin. Kaya naman, ibahin mo ang season ngayon dahil napaka-exciting ng mga naganap at ng mga susunod na mangyayari pa lalo na ngayon na buo na ang UAAP Season 78 Men’s Basketball Final Four. Ito ay binubuo ng UST Growling Tigers, FEU Tamaraws, Ateneo Blue Eagles at NU Bulldogs.
Noong nakaraang Miyerkules, Nobyembre 18, isang crucial na laro ito sa bawat teams ng FEU Tamaraws at DLSU Green Archers. Una, dito nakasalalay ang pag-asa ng Green Archers na makapasok pa sa Final Four. Kinakailangang manalo ang Archers kontra Tamaraws para maipuwersa ang playoff laban sa NU Bulldogs. At kung sino man ang mananalo roon, ‘yun na ang makakukuha ng fourth spot sa Final Four. Habang ang FEU Tamaraws naman, kahit wala nang makaaagaw sa spot nila sa Final Four, kinakailangan nilang manalo upang ma-secure ang twice to beat advantage. Dahil kung sila ay matatalo kontra Archers, isa na namang playoff ang magaganap sa pagitan ng Tamaraws at Blue Eagles para paglabanan ang second spot at twice to beat advantage. At ayun na nga, matapos ang apat na quarters, nanalo ang FEU Tamaraws sa iskor na 71-68 kontra Green Archers. Kahit hindi nila pinaglaro ang kanilang mga big man na sina Mac Belo at Mike Tolomia. Nagawa pa rin nilang tapusin ang season ng Archers ngayong taon.
Ang hindi pagpasok sa laro ng coach ng FEU Tamaraws kina Belo at Tolomia ay isa ring bago at hindi inaasahan ngayong season. Ito ay para pagpahingahin sila at maikundisyon nang husto para sa laban nila kontra Ateneo Blue Eagles. Kahit ganoon pa man, napanatili ang init sa court dahil nabigyan ng exposures ang ibang players, at naipamalas din nila ang kanilang galing sa laban na iyon.
Kaya naman, ang official standing ngayon ng Final Four ay: UST Growling Tigers (11-3); FEU Tamaraws (11-3); Ateneo Blue Eagles (9-7) at NU Bulldogs (7-7). Bilang ang UST at FEU any nasa first at second seed, sila ang makakukuha ng twice to beat advantage. Magaganap ang semis sa darating na Sabado at Linggo, Nobyembre 21 at 22, kung saan unang magtatapat ang 2nd at 3rd seed na Tamaraws at Blue Eagles sa Sabado. At sa Linggo naman, ang laban ng 1st at 4th seed na Tigers at Bulldogs. Ang parehong laban ay gaganapin sa Big Dome.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo