Firecracker Prevention Month

TUWING SUMASAPIT ang buwan ng Disyembre, hindi lamang tayo aligaga sa paghahanda sa Pasko kung hindi naghahanda rin tayo sa pagsapit ng bagong taon. Napakalaking selebrasyon ang panahong ito para sa ating mga Pilipino dahil alam naman natin kung paano sasalubungin ng ating mga kababayan ang pagdating ng New Year.

Nguni’t mayroon ding isang napakahalagang bagay na ating inaalala o ginugunita tuwing sumasapit ang buwan na ito.  Ito ang buwan ng “Firecracker Prevention Month”, kung saan halos lahat ng ahensiya sa gobyerno ay isinusulong ang kampanya laban sa mga firecracker o paputok upang maiwasan o mabawasan man lang ang mga napipinsala at nasusugatan dahil sa mga walang pakundangang paggamit ng mga iba’t ibang klase ng paputok o kahit mga tinatawag nating “pyrotechnic devices” tuwing sumasapit ang bagong taon.

Ang Republic Act 7183 ay naglalayong pangasiwaan at isaayos ang pagbebenta, paggawa, pagkalat at paggamit ng mga rebentador at iba pang klase ng paputok. Sinususugan ng Department of Health (DoH) ang firecracker injury prevention month sa pamamagitan ng pagsulong ng “Walang Batang Magpapaputok” campaign, kung saan hinihikayat nito ang lahat ng lokal na pamahalaan na protektahan ang mga bata mula sa firework-related injuries sa pamamagitan ng pagbabawal ng pagbenta, pagbili at paggamit ng mga paputok na ito.

Itong taon na ito, ang bilang ng mga napinsala dahil sa paputok ay umabot ng 730 noong Enero. Ayon sa DOH, 65% ng mga naapektuhan ay mga kabataang nasa pagitan ng 5 hanggang 20 taong gulang. Karamihan ng mga biktima ng paputok ay sila mismo ang gumamit at ang iba naman ay dahil sa pagpapaputok ng ibang tao.

Ang PhilHealth ay nandito upang alalayan ang lahat ng ating mga kababayan upang maiwasang mabiktima ng paputok lalung-lalo na at papalapit na ang pagpalit ng taon. Ang mga pinsalang maaaring idulot ng mga paputok ay pagkasunog sa balat, pagkalason, respiratory problems, pinsala sa mata, at malubhang pinsala sa kamay. Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang mga pinsalang ito ay huwag magsindi ng anumang uri ng paputok at iwanan ang gawaing ito sa mga propesyonal.

Kahit ano pang klase ng babala at batas na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok, ang ating mga kababayan ay patuloy na gumagawa ng mga bagay upang maipagdiwang ang pagsapit ng bagong taon. Kaya kami po sa PhilHealth ay magbibigay ng mga paalala upang maiwasan ang pinsalang dulot ng paputok at maiwasan din ang pagpapa-ospital:

  1. Unang una, huwag pabayaan ang mga batang maglaro o magsindi ng kahit anong uri ng paputok, kahit na lusis. Sobrang delikado po ito dahil nakasusunog ito at kayang lusawin ang metal o bakal;
  2. Dapat pangalagaan ng isang nakatatanda ang alinmang firework activities;
  3. Huwag ilapit ang inyong katawan, mukha o anumang bahagi ng inyong katawan kapag magsisindi ng paputok – lumayo kaagad pagkatapos sindihan ang isang paputok;
  4. Maghanda ng balde ng tubig o garden hose kung sakaling magkaroon ng sunog o aksidente;
  5. Huwag sindihan ang isang pumalyang paputok dahil baka buhay pa ito at maaari pa itong pumutok;
  6. Huwag itapon o iitsa ang paputok sa ibang tao

Datapwa’t hindi nagkukulang ang ating gobyerno sa pagbibigay ng paalala at babala sa ating mga kababayan, sadyang hindi mapigilan ang ating mga kababayan sa ganitong klase ng paggunita at pagsalubong sa pagpalit ng taon dahil kaugalian na ito. Tradisyon man itong maituturing, ngunit kailangan din nating isipin ang pinsalang dulot ng paputok na karaniwang naapektuhan ang mga kabataan. Taun-taon na lamang ay natutunghayan natin sa telebisyon o kahit sa personal man nating karanasan ang mga batang naputukan sa mukha, nabawasan ng mga daliri o kung hindi man buong kamay ay nadurog na. Mabuti kung ganito lamang, ngunit paano pa kung sa sobrang pinsalang dulot ng pagpapaputok ay binawian ng buhay ang isang kamag-anak, kaibigan, kapit-bahay? Hindi magandang pangitain, hindi po ba?

Ayon sa DOH, ang pagpapagamot para sa isang ordinaryong pagkasugat mula sa paputok ay karaniwang umaabot sa isang libong piso hanggang limang libong piso. Samantala, ang gamutan sa mas malalang sugat ay natural na mas mahal datapwa’t hindi pera ang mahalaga rito kung hindi ang napakahalagang buhay ng isang tao. Ang mawalan ng daliri, kamay, o braso ay hindi na maibabalik kailanman. Dagdag pa nito ang pinsala sa mga istruktura gaya ng bahay dahil sa sunog at ang pagkawala ng buhay.

Alinsunod dito, binabayaran ng PhilHealth ang “burns” o pagkasunog mula sa halagang P8,500 hanggang P16,100 depende sa uri o sa lala ng pinsala sa ilalim ng case rates sa Levels 1 to 3 na ospital. Ang mga halagang binabawas sa case rates ay kasama ang bayad sa pasilidad at doktor.

Ang paksang tinatalakay natin ngayon ay isang paraan lamang upang mapaalalahanan ang ating mga kababayan upang mas mapaghandaan natin ang isang mas makabuluhan at mas masayang pagsalubong ng pagbabago ng taon para sa mas masagana at mas malusog na buhay.

Para naman sa karagdagan impormasyon na nais ninyong malaman tungkol sa paksang ating pinag-usapan, maaari po kayong tumawag sa aming Corporate Action Center sa numerong 441-7442 upang makausap ang aming mga call center agent. Maaari rin kayong bumisita sa aming official website:  www.philhealth.gov.ph. Puwede rin kayong makipag-ugnayan sa aming Facebook at Twitter accounts: www.facebook.com/philhealth at www.twitter.com/teamphilhealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleSanta Claus Version 2.0
Next articlePasko at bagyo

No posts to display