IKA-9 NG Pebrero, araw ng Martes, nang pormal nang nagsimula ang unang araw ng kampanya para sa darating na national elections. Matatandaan na sa araw na iyon, buhay na buhay na agad ang diwa ng mga tatakbo at ang kanilang mga kaalyado, dahil 5:30 pa lang ng madaling-araw namimigay na sila ng mga campaign paraphernalia gaya ng flyers sa mga nakapila na pasahero ng MRT. Kanya-kanyang sabit na rin ng mga banners sa daan. Nagkalat na rin ang mga posters kung saan-saan. At, umaga pa lang, may mga platform agad na nakatayo sa mga bara-barangay at motorcade ng mga kumakandidato para sa eleksyon. Handang-handa na sila sa kanilang pagsuyo sa inyong lahat na boboto. Ang tanong, handa na rin ba kayo?
Sa mga bagets na first time voters, paniguradong kakaiba sa feeling ang kanilang nadarama ngayon. Kanila nang magagawa ang isa sa kanilang karapatan na talaga naman makabuluhan para sa bansa. Huwag sayangin ang pagkakataon na ito. Kaya dapat handa rin kayo.
- Magbasa, manood, makinig
Gawin ang 3Ms na ito, magbasa, manood at makinig ng mga interviews, balita, at plataporma ng mga kumakandidato. Nararapat lang na alam mo ang mga ginagawa nila at ibinabalita sa kanila. Maging involed ka sa lahat ng bagay para higit mong makilala ang mga kakandidato, hindi ‘yung sa mismong araw lang ng eleksyon ikaw magiging involved. Sige ka, ikaw rin ang mahihirapan.
- Pag-aralan ang mga plataporma
Maraming nakahandang pangako at plataporma ang bawat kumakandidato. Kung ako sa iyo, alamin ang lahat ng ito at ikumpara mo ang plataporma sa bawat isa na magkakatunggali sa puwesto. Gumawa ka ng venn diagram nang malaman mo kung sino talaga ang may plataporma na talagang mas maraming maitutulong sa lahat.
- Ilista ang mga napupusuang kandidato
Para rin hindi ka na mahirapan at magtagal pa sa voting sites, gumawa ka na ng listahan ng mga napupusuan mong iboto. Sa pagkakataong ito, hindi ka na mahihilo sa pagpili ng mga kandidato.
- Dumalo sa mga pagpupulong sa eskuwela
Ngayong campaign season, hindi mawawala ang pag-organize ng mga admin ng eskuwelahan ng mga forum patungkol sa darating na eleksyon. Kung minsan, naiimbitahan pa nila ang mga pulitiko. Huwag sayangin ang pagkakataong ito. Kayo ay dumalo. Pagkakataon n’yo na rin itong makapagtanong sa kanila. Iparating n’yo na sa kanila ang mga makabuluhang katanungan o saloobin para sa ikaaasenso ng buhay ng lahat.
- Magdasal
Huwag na huwag kalimutang humingi ng gabay sa Diyos sa darating na eleksyon. Ipagdasal ang ligtas na eleksyon, ipagdasal na bigyan ka ng gabay sa pagpili ng iyong kandidato. Ipagdasal ang magandang kinabukasan ng lahat ng Pilipino.
May halos dalawang buwan pa bago ang malawakang eleksyon. Sulitin ang panahong ito para mapagdesisyunan nang mabuti ang mamumuno sa ating bansa sa susunod na mga taon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo