“NADIKIT LANG, na-fall ka kaagad?”
“Minsan sa buhay kinakailangan mo pang mauntog nang maraming beses bago mo malaman na wala na talaga.”
“May mga panahon na kahit ilang beses ka nang bumagsak, pipilitin mo pa ring bumangon para magsimula muli.”
“Ganyan ka naman, masaya ka na pinahihirapan ako.”
Kay lalim ng mga hugot. Hindi mo malaman kung ano ang pinanggagalingan ng mga nagsasabi n’yan. Kung minsan nga maaawa ka na rin sa kanila. Pero, ang tanong, maaawa ka pa ba kung malalaman mo na ang hugot ng mga taong nagbitaw ng mga ganyang linya ay dahil lang sa isang laro? Isang laro na sobrang pinahihirapan ang lahat pero kinagigiliwan pa rin ng karamihan? Ito ay ang Flappy Bird. Naku, panigurado na ang awa ay mapapalitan ng tawa.
Ang Flappy Bird ay ginawa ng isang Vietnamese na si Nguyen Ha Dong noong nakaraang taon. Nagsimula ang fever ng larong ito sa Hanoi. Kung nagtataka kayo bakit ngayon lang ito sumikat nang husto, ito ay sa kadahilanan na pagkalabas ng larong ito noong May 2013 para sa iPhone 5 at in-update noong Setyembre 2013 para sa iOs 6, nito lang January 2014 ito napabilang sa “free category” ng Application Download. Sa sobrang daming nag-download ng larong ito, lalung-lalo na ang mga bagets, hindi kataka-taka na manguna ito at mabansagang “Bagong Angry Birds”. Dahil tulad din ng Angry Birds, bukod sa ibon din ang nilalaro mo, nakaaadik na tila ba ay ayaw mo nang tumigil hangga’t hindi mo natatapos ang level ng nilalaro mo.
Pero, hindi natin puwedeng ikumpara nang husto ang Angry Birds sa Flappy Birds, siguro puwede lang sa kasikatan nito. Kung sa Angry Birds, kailangan mong matamaan lahat ng baboy, sa Flappy Bird, kailangan mong makalusot sa mga pipes nang hindi ka tatama rito. Isa rin sa kinaibahan nito sa Angry Birds na binibigyan ang player ng tatlong buhay, sa Flappy Bird kasi isang buhay lang ang mayroon ka kaya napakahirap ng larong ito. Mahirap ding makakuha ng mataas na iskor sa Flappy Birds dahil isang puntos lang nadadagdag sa iyo kada iwas mo sa bawat pipe.
Bali-balita na rin ngayon na ititigil na ng Vietnamese game developer na si Nguyen Ha Dong ang Flappy Bird dahil may tsismis na ginaya lang ang codes nito sa isa ring laro na may hindi matawaran na kasikatan, ang Super Mario. Kung mapapansin din natin, ang pipes at background ay gayang-gaya nga sa Super Mario. Idagdag mo pa riyan ang impormasyon na dalawa hanggang tatlong araw lang ginawa ang larong Flappy Bird.
Kung totoo nga ang isyung ito, naku po! Kinakailangan na yata nating maghinay-hinay sa paglalaro nito dahil baka matuluyan lang tayong maadik sa larong ito at baka hindi maging maganda ang epekto nito sa atin kapag ito ay tuluyan nang mawala. Nakatatawa man ang sinabi ko, pero totoo kasi na may mga bagets na hindi na maawat ang kahiligan sa larong ito. ‘Yung ultimo nahahagis na nila ang kanilang mga cellphones kapag nade-dead sila.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo