NITONG NAKARAANG mga buwan lamang, naging hot trending topic ang larong Flappy Bird lalung-lalo na sa mga kabataan. Halos lahat ay adik na adik dito sa paglalayong maging top scorer sa napakahirap na larong ito. May kumakalat pa ngang balita na may nagpapatayang magkapatid sanhi ng Flappy Bird. Ganito na lang kalala ang mga kumakalat na tsismis dahil patok na patok nga ito sa panlasa ng mga bagets.
Subalit, iilang buwan pa lang na namamayagpag ang nasabing laro, tinanggal agad ito sa app store at sa play store nang developer mismo sa kadahilanang naging iba bigla ang takbo ng pamumuhay niya nang sumikat nang husto ang larong Flappy Bird. Hindi niya inakala na sa ganitong antas ng kaadikan ang mararating ng para sa kanya ay “simpleng” laro lamang. Biruin mo ba naman, kada araw siya ay kumikita na ng $50,000.00! Kabi-kabilaan din ang isyu na hindi naman totoo, katulad na lamang ng nagpakamatay umano ang developer.
Ngayon na wala na ang Flappy Bird sa mga download stores, isang indie director na nagngangalang Patrick Cabral ang gustong marating ang rurok ng tagumpay na naabot ng Flappy Bird. Alam n’yo ba, siya ay isang Pilipino at ang kanyang larong pinangalanang “Pugo” ay bali-balita na isa sa mga nangungunang free apps na dina-download ng karamihan. Pangalan pa lamang na “Pugo” ay Pinoy na Pinoy na. Lakas maka-proud, ‘di ba?
Ang Pugo ay para ring Flappy Bird na may halong Pinoy style. Sa larong ito, kapansin-pansin na mas pinabongga ang mga kulay, ang hand painted graphics, ang sound effects na nakadaragdag sa excitement ng laro at madaling intindihin na mechanics. Gaya ng Flappy Bird, ang layunin ng larong ito ay makakuha ng mataas na iskor sa pamamagitan ng paglagpas sa mga obstacles na nakaharang. May dagdag na twist nga lang sa Pugo dahil, hinahayaan nito na makakuha ng extra life o karagdagang buhay ang manlalaro sa pamamagitan ng pagkuha sa mga “power ups” na kawangis ng isang watawat ng Pilipinas.
Si Pugo, ang avatar ng game na ito ay kulay pink na may pakpak na halos nagbi-blend sa background na kulay brown at purple. Kung sa Flappy Bird, mga pipes ang madalas na makikita, sa Pugo, mga puno. Lakas maka-Pinoy.
Subalit, aminin na natin na may makikitang butas sa larong ito tulad na lang na umaandar ito sa mabagal na framing kahit iPhone 5s pa ang gamit mo. Pero hindi nangangahulugan na mabagal ding pumick-up si Pugo, dahil hinding-hindi nakaapekto ang low frame rate ng laro sa pagiging alerto ni Pugo sa mga obstacles.
Wala namang masama kung aaminin natin na may mga kakulangan ang larong ito. Maganda na rin kayang simula ito para sa mga future game developers nating kapwa Pinoy! Nawa’y dumami pa ang katulad ni Patrick Cabral. Patunayan natin na kaya nating makipagsabayan sa mga banyaga at kaya nating gumawa ng sariling atin na tatangkilikin sa bawat sulok ng mundo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo