Floating status

Dear Atty. Acosta,

ANIM NA BUWAN na po akong walang trabaho. Nasa floating status po ako. Hindi ako binigyan ng duty ng aking employer simula noong natalo kami sa bidding. May monetary benefits po ba akong matatanggap dahil hindi nila ako binigyan ng trabaho? Ano po ba ang address ng NLRC?

Best Regards,

Alberto

Dear Alberto,

AYON SA LABOR Code, hindi maaaring tanggalin sa trabaho ang isang manggagawa kung walang legal na basehan. Ang legal na basehan ay maaaring isa sa mga just causes na nakasaad sa Artikulo 282 ng Labor Code o authorized causes na nakasaad sa Artikulo 283 ng Labor Code. Kapag ang manggagawa ay natanggal sa trabaho nang walang just o authorized cause, siya ay masasabing illegally dismissed.

Ngunit ayon sa Artikulo 286 ng Labor Code, hindi masasabing illegally dismissed ang isang manggagawa kapag hindi siya nakapagtrabaho sa loob ng hindi hihigit sa anim na buwan dahil sa lehitimong suspensyon ng operasyon ng negosyo o trabaho. Ang estadong ito ng manggagawa ay sinasabing floating status.

Samakatuwid, kinakailangan na lehitimo ang dahilan ng suspensyon ng operasyon ng negosyo o trabaho, para hindi masabing illegally dismissed ang manggagawa. Kinakailangan din na ang suspensyon ay hindi hihigit sa anim na buwan. Kapag hindi nasunod ang mga pamantayan na ito, ang manggagawa ay masasabing constructively dismissed.

Sa iyong salaysay, isinaad mo lang na hindi ka binigyan ng trabaho sa loob ng anim na buwan dahil natalo ang iyong employer sa bidding. Hindi mo naman isinaad sa iyong salaysay kung ano ang iyong trabaho at ang buong pangyayari kung bakit ka nasa floating status.

Kung hindi lehitimo ang suspensyon ng trabaho, ikaw ay masasabing illegally dismissed. Kapag lehitimo naman ang suspensyon ng iyong trabaho, kinakailangan naman na hindi lalagpas sa anim na buwan ang suspensyon para maging balido ito.

Kapag ang suspensyon ay higit sa anim na buwan, ang manggagawa ay sinasabing constructively dismissed. Kapag constructively dismissed ang manggagawa, ang employer ay may katungkulang ibalik siya sa kanyang dating posisyon at magbayad ng backwages. Ngunit maaari rin na magbayad na lang ang employer ng separation pay kapag hindi na makakabuti ang pagbalik ng manggagawa sa kanyang dating trabaho, lalo na kung bukod sa isyu ng backwages ay nagkaroon na ng lamat ang relasyon ng manggagawa sa kanyang employer.

Ang mga manggagawang illegally dismissed o constructively dismissed ay maaaring magreklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC). Dito dumudulog ang mga manggagawang nakaranas o nakararanas ng paglapastangan sa kanilang karapatan.

Ang manggagawang nais na magreklamo o dumulog ng kanyang problema tungkol sa kanyang trabaho ay maaaring pumunta sa NLRC na may sakop sa lugar kung saan siya nagtrabaho o nagtatrabaho. Ang opisina ng NLRC sa National Capital Region (NCR) ay matatagpuan sa PPSTA Bldg., Banaue St., Quezon City.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBiktima III
Next articleMabahong airport

No posts to display