Rakenrol ang kabataang Pinoy nang sila’y makiisa sa mga pagdiriwang na isinagawa kaugnay ng nakagawiang paggunita sa Semana Santa. Hindi man katulad ng hard-core na pamamanata ng ilan, hindi maikakailang mahalaga rin ang papel na ginampaman ng mga kabataan upang maging matagumpay ang mga pagdiriwang ng Simbahan Katoliko ngayong Holy Week.
Sa prusisyon sa San Pablo City, Laguna nitong Biyernes Santo, maraming kabataan ang kalahok sa Senakulo na gumanap bilang Hesus, Pontio Pilato, Herodes, Maria, mga senturyon, apostoles, at iba pa. Nagmistula ngang parada ang prusisyong inabangan ng mga taga-San Pablo at bakasyunistang pansamantalang iniwan ang ingay ng lungsod.
Bukod kasi sa mga tila totoong taong imahe, kinarir din ng participants ang makukulay na props at costumes na lalong nagbigay-buhay sa programa. At para sa sambayanang Pilipinong sumasabay sa bilis ng takbo ng panahon, mahalagang maipasa ang tradisyon nang ito’y magpatuloy. Sa mga kabataang kinakarir ang Emo na kultura, ‘wag kalimutang cool pa rin namang ipagmalaki at makilahok sa mga astig na tradisyong Pinoy na Pinoy talaga!
by Mayin de los Santos
Photos by Tyronne C. Agapito