KUMALAS NA si Liza Soberano sa kanyang manager for 11 years na si Ogie Diaz.
Ito mismo ang kinumpirma ng veteran showbiz manager/actor/vlogger sa kanyang YouTube channel at sinabing hanggang May 31 na lang ang kontrata ni Liza sa kanya.
“Legally speaking, ako pa rin po ang manager ni Liza Soberano hanggang May 31, 2022. 11 years po kaming nagsama ni Liza bilang mag-ama at bilang manager-talent,” kuwento nito sa kanyang co-host na si Mama Loi.
Kuwento ni Ogie Diaz, tinanong nito ang alaga sa pamamagitan ng video chat kung ito ay magrerenew ng kontrata sa kanya. Sinagot siya ng dalaga sa pamamagitan ng mahabang mensahe sa Viber at sinabing hindi na ito pipirma muli. Gusto raw kasi ni Liza na i-pursue ang isang Hollywood career, na realistically speaking ay hindi kakayanin ng powers ng kanyang longtime manager.
“Magalang naman ‘yung bata, in fairness, at saka kilala mo naman ako, kapag happiness na ng tao ang concern, ibinibigay ko ‘yan,” sambit ni Ogie. “Siyempre hindi naman ako ‘yung tipong alam ko rin ‘yung hanggang Hollywood. Kumbaga hanggang dito lang ang kaalaman ko bilang manager,”
Hindi naman nakakalimutan ni Ogie Diaz ang pinagsamahan nila ni Liza lalo na’t marami rin silang pinagdaanan na mga challenges sa loob ng 11 years. Specifically, noong panahon na nag-uumpisa pa lang sa showbiz ang aktres. Para kay Ogie, sapat na rin ang 11 years nilang pagsasama bilang manager-talent, na halos second dad na ni Liza si Ogie. Hindi rin niya makakalimutan ang mga tulong ni Liza sa kanyang pamilya.
“In fairness sa bata (Soberano), very grateful din siya, very thankful din siya sa akin dahil kumbaga magkatuwang naming binuo ang kanyang pangalan,” lahad pa nito.
Noong una, ang alam ni Ogie ay magse-self manage muna si Liza, pero hindi na ito ang sitwasyon ngayon dahil si James Reid na ang bagong manager ng aktres.
“Ipinakilala na niya sa amin ang bagong team na hahawak ng kanyang career. May bago na siyang management. Pero ako naman, ‘yung transition ay unti-unti ipinapasa na namin si Liza sa kanya at ‘yun ay walang iba kung hindi ang team ni James Reid.”
“Yes, as a manager si James Reid. Kaya pansinin mo magkasama sila sa gala. Hindi lang si James ang kasama ni Liza kung hindi ‘yung mga ka-partners nila, kasi mayroon silang business group at kasama roon si Liza,” lahad nito na patungkol sa Gold Gala event na dinaluhan nina James at Liza sa Los Angeles kamakailan.
Ayon din kay Ogie, ang team na ni James Reid ang hahawak ng showbiz career ni Liza sa United States at kahit sa Pilipinas. Dito rin niya kinumpirma na expired na rin ang kontrata ng dalaga sa Star Magic. Ibig sabihin, mas may freedom na si Liza na magtrabaho na hindi nakatali sa iisang network o film outfit.
Napag-usapan din sa nasabing video ang mga pambabash ng LizQuen fans sa kanya. Reklamo ng fans, tatlong taon na walang ginagawang teleserye o pelikula ang paboritong tambalan nila. Huling lumabas sina Liza at Enrique Gil sa pelikulang ‘Alone/Together’ at seryeng ‘Make it With You’.
Isplika ni Ogie, hindi raw handa ang LizQuen noon na magtrabaho lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Kung minsan din daw ay hindi nila gusto ang mga proyektong pinipitch sa kanila ng kanilang home network.
“Nagkataon lang na parang hindi pa nila nararamdaman ‘yung right timing ng LizQuen kaya ayaw pa nilang gumawa, tapos na-busy sila sa kanilang negosyo. Pero hindi pa rin nila nakakalimutan ang fans na naghihintay sa kanila.”
In-assure din ni Ogie ang publiko na hangga’t maaari ay mananatiling Kapamilya si Liza Soberano.
Sa nakakagulat na pagbabago na ito sa showbiz career ni Liza Soberano, mas lalo kami nagiging curious kung meron na ba itong pending projects sa Amerika kaya kampante na siya na lumipat sa kanyang bagong management team? Magkakaroon pa ba ng LizQuen projects this year? Matutupad ba ang Hollywood Dreams ni Liza under the guidance of fellow actor James Reid? ‘Yan ang ating abangan!