AMINADO ang Sandugo lead actor na si Ejay Falcon na malaki ang magiging epekto sa buhay niya sakaling magsara at hindi ma-renew ang franchise ng ABS-CBN na mag-e-expire ngayong katapusan ng Marso, 2020.
Ayon sa binata, sobrang laki ng nagawa sa kanya ng ABS-CBN para magbago ang buhay niya at ng kanyang buong pamilya. Kung hindi raw siya napunta sa Dos ay wala lahat ng kung anumang meron siya ngayon.
Unang tanong namin kay Ejay sa exclusive naming interview, paano ba binago ng ABS-CBN ang kanyang buhay?
“Siyempre ABS-CBN ang nagbigay daan para maging artista o isang aktor ako na siyang hanapbuhay ko ngayon,” sagot ni Ejay.
Patuloy niya, “Mula sa pagiging probinsyano na gustong makatulong sa pamilya, andito na ako ngayon, napapanood ng marami at naibibigay ang pangangailangan ng magulang ko at mga kapatid ko.”
Ang pagsali noon ni Ejay sa Pinoy Big Brother teen edition ang nagbukas sa kanya ng pinto para makapasok sa showbiz. Hindi niya raw ito makakalimutan habang nabubuhay siya.
“Yun ang bumago sa buhay ko, eh. Sa loob ng Bahay ni Kuya, do’n ko din nakilala ang sarili ko at mas tumibay din relasyon namin ng tatay ko,” pag-alala pa ng aktor.
Ano ba ang labis na ipinagpapasalamat ni Ejay sa ABS-CBN?
“Na binago nito buhay ko,” lahad agad niya. “Wala ako dito ngayon kung hindi nila ginawa ang PBB.
“Kung hndi sila gumawa ng programa na magbibigay ng pagkakataon sa mga maliliit na tao na katulad ko na nangangarap lang sa lugar namin sa Mindoro, wala naman ako dito ngayon. Sila ang naging daan talga para mabago ko ang buhay ko, at ng pamilya ko,” emosyonal na bulalas ng aktor.
Natakot ba siya sa balitang magsasara ang ABSCBN?
Pag-amin ni Ejay, “Siyempre. Hindi lang para sa akin kundi para sa mga katrabaho ko — yung mga staff na grabe ang sipag sa trabaho.
“Pamilya na talga kami. More than sa sarili mo mas mag-aalala ka doon sa mga maapektuhan ng matindi dahil ito na talaga ang buhay nila. Nakadepende dito ang pamilya nila.”
Ano ba ang balak niyang gawin sakaling mawala na nga sa ere ang ABS-CBN?
“Kung may pagkakataon pa na maipagpatuloy ko ang pag-arte para sa ABS-CBBN sa anumang paraan ay gagawin ko pa din siympre. Kung ano man ang maaari kong maiambag sa kapamilya ko ay ibibigay ko,” pahayag pa niya.
“Salamat sa ABS-CBN, may mga naitabi din akong konting naipon na magagamit pangnegosyo. Puwede din akong mag-aral uli.
“Ang hirap isipin sa totoo lang kung ano gagawin ko pag nagsara ABS, kasi buhay ko na ‘to, eh. Tahanan ko na ang ABS-CBN. In the end, pipiliin natin umuwi sa ating tahanan kasi mas don tayo masaya, don tayo mas buo,” emosyonal at huling pahayag ni Ejay sa amin.