GUSTONG MAGPASALAMAT NI Richard Gutierrez kay Ms. Wilma Galvante.
Magsisimula na ang pampitong solo lead at title role Telebabad ng nag-iisang Primetime King na si Richard, ang Zorro. Pilot nito sa Lunes pagkatapos ng 24 Oras, at ito rin ang pagbabalik-tambalan nila ni Rhian Ramos. Alam ni Richard na Lupin days pa lang, binibili na ng GMA ang rights ng Zorro para ibigay sa kanya, ngunit hindi naman siya umaasa noon.
Pagkatapos ng kontrobersiyang kinasangkutan ng kanyang ina at manager na si Ms. Annabelle Rama at ng GMA SVP for Entertainment Ms. Wilma Galvante, ibinigay pa rin ng GMA ang Zorro kay Richard. Isa sa mga gusto niyang pasalamatan ay si Ms. Galvante mismo dahil alam niyang ito ang tumutok noon para mabili ng GMA ang rights ng Zorro. Kung ano man ang nangyari sa pagitan ng kanyang ina at ng SVP for Entertainment, labas na siya roon.
Sayang nga at hindi nagkita sa presscon sina Richard at Ms. Galvante.
KONTROBERSIYAL ANG ISA sa cast ng M2M4 Exxxxtreme.
Ini-release na ng Video Flick ang pang-apat sa M2M series na pinu-produce nila na direct to video pagkatapos ng Masahe, Erotika at Versus. Kaya nga Exxxxtreme ang titulo, apat ang X, dahil pang-apat nila ito. Sayang at hindi kami nakapunta sa press con ng launching dahil gustong-gusto naming matanong nang harapan ang isa sa cast ng five-man video, si Cedric Javier na dating Viva Hot Man.
Sa isa kasing gay website na tungkol sa mga masahista, isa si Cedric sa nag-a-advertise ng kanyang service pati na ang kanyang rate. Hindi niya naman siguro idi-deny ito dahil picture niya at cell phone number niya ang nakalista sa nasabing website at may mga testimonials na sa mga nakatikim ng kanyang service. Ang ilan sa testimonials sa kanya, graphic pa ang detalye ng ginawa nila.
Hmm… Tumaas kaya ang rate niya pagka-release ng Exxxxtreme?
MAGPAPATIUNA NA ANG Sundo sa pananakot sa taong 2009.
Magbubukas ngayon nationwide ang pangalawang pelikula this year ng GMA Films pagkatapos ng matagumpay na When I Met U nina Richard Gutierrez at KC Concepcion, ang unang mainstream horror movie naman ni Robin Padilla na Sundo. Co-starring Sunshine Dizon, Katrina Halili, Rhian Ramos, Mark Bautista at Hero Angeles, mula ito sa panulat ni Aloy Adlawan sa direction naman ni Toppel Lee. Sina Aloy at Toppel din ang creative team behind the box office horror movie na Ouija.
Tatlong linggo na maso-solo ng Sundo ang box office dahil sa Black Saturday pa magkakaroon ng bagong local movie na isang horror din, ang T2 ng Star Cinema. Sa ngayon kasi, tatlong genres na lang ang kumikita sa takilya, ang comedy, ang romance at ang horror. Bale ang Sundo nga ang unang horror movie para sa taong ito kaya matutuwa ang mga mahihilig sa katatakutan dahil Marso pa lang, may sisigawan na sila.
Kahapon ang premiere night ng Sundo sa SM Mega Mall.
by Dinno Erece