ISANG malaking tagumpay na ang maituturing dahil patuloy na maghahari sa primetime ang teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Primetime King Coco Martin hanggang 2018. Base na rin ito sa kumpirmasyon ng ABS-CBN management.
Dahil sa patuloy na pagsuporta at pagtangkilik ng mga manonood, tiyak na ikatutuwa ng mga tagahanga ni ‘Cardo Dalisay’ ang tungkol sa pag-e-extend ng show na napabalitang magtatapos na ngayong Mayo 26, 2017 at papalitan ng “La Luna Sangre” na pagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Ang extension ng teleserye ay pormal na inihayag ni ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast Cory Vidanes sa isang party para sa cast ng teleserye. Naroon din sa naturang party ang presidente at CEO ng Kapamilya Network na si Carlo Katigbak.
Malaki naman ang pasasalamat ni Coco dahil sa patuloy na pagtangkilik ng mga tagasuporta niya sa nasabing programa.
Pangako pa ng aktor na mas pagagandahin pa umano nila “FPJ’s Ang Probinsiyano”, gayon din ang patuloy na pagbibigay ng trabaho sa mga artistang nangangailangan ng tulong para makabalik sa industriyang ito. ‘Yun nah!