MARAMI SIYEMPRE ANG hindi naiwasang mag-react nang mag-tweet si Francine Prieto ng mga katagang “I hate God” in her account.
Natural, na ang mga kaibigan lang ni Francine ang nakaintindi sa pinag-ugatan ng nasabing tweet. Pero ang mga wala namang kaugnayan sa buhay niya eh, agad-agad na itong ipinako sa krus.
Nakausap namin si Francine sa presscon ng Pitas ng Legalas Entertainment, kung saan may mahalaga siyang role kasama ang inilulunsad na si Kristel Moreno.
At kahit na pasan ni Francine ang daigdig, literally and figuratively that day, dumalo pa rin ito sa nasabing presscon sa paanyaya na rin ng producer niyang si Don Lerit, Jr. Ginawa naman ni Francine ang kanyang responsibilidad sa kanyang trabaho.
May ovarian cancer ang butihing ina ni Francine. Naglayas ang kanyang kapatid. Kinailangan daw niyang mag-resign sa Bubble Gang dahil hindi niya matagalan ang nagiging trato sa kanya ng ilang mga tao sa produksiyon. Wala siyang problema sa mga kasama niyang artista. Wala siyang mga proyekto. At nagsunud-sunod nga ang dating ng dagok sa buhay niya. Kailangan niyang maging matatag para sa kanyang pamilya. Saang kamay ng Diyos nga ba niya kukunin ang panggastos sa paggamot sa kanyang ina. Nahihiya raw siyang lumapit sa mga kaibigan at mga kakilala. Hindi na niya kaya.
Kapag ang usapan eh, nasesentro sa kanyang ina, hindi niya mapigilan ang umiyak nang umiyak. Kumpara raw sa kanya na tanggap ang naging kalagayan, kitang-kita naman daw niya sa kanyang inang hindi pa nito naihanda ang sarili sa anumang magaganap.
Nang paalis na si Francine at hinihintay ang kanyang sasakyan, pumarada sa harap namin ang isang sasakyan. Lulan nito ang butihing ina ni Francine, at dahil nga sa katakut-takot na chemotherapy, kinalbo na si Mommy. Pero nang makita kaming mga kakilala niya sa industriya, hindi namin mailarawan ang ngiting sumilay sa kanyang mga mata, na tila nagpatingkad pa sa kanyang ganda kahit kalbo na – na mistulang isang anghel. Mangiyak-ngiyak na naman si Francine, na kay laki ng pasalamat sa mga narinig niyang encouragement sa mga kaharap sa Pitas presscon.
Oo, humingi na raw siya ng tawad sa ating Panginoon sa nasabi niya sa kanyang tweet. At kung anuman ‘yon, it is between her and God na nga lang daw.
MASUWERTE NAMAN DAW ang producer na si Don Lerit, Jr. na producer ng launching movie ni Kristel Moreno.
Dahil ito raw ang naka-‘pitas’ sa puso ng dalagang 19 years old pa lang. At mukhang very first serious love ang nasabing producer (ikalawa na niya ito, after ng Sagrada Familia).
Tinanong ko nga si Don kung si Kristel na ba ang babaeng plano niyang ihatid sa dambana? Napag-alaman naming apat na ang supling ni Don pero never pa pala itong ikinakasal.
Oo naman, sabi ni Don. Paghahandaan lang daw muna niya ito and baka in six years, kung sila pa rin-sa altar na niya ihahatid ang dalaga.
Kapag kausap naman namin ang Mommy dearest ni Kristel, parang hindi naman totoo ang nabalitaan naming hinahadlangan nitong maligawan ang kanyang dalaga. Mukhang botong-boto nga si Mommy kay Don for Kristel.
The Pillar
by Pilar Mateo