Francis Magalona’s Happy Battle

Parazzi Chikka
by Parazzi News Service

GAYA NG TITULO ng isang multiply site ni Francis Magalona, ang “Happy Battle,” masaya niyang sinuong ang pinakamalaking laban ng kanyang buhay – ang pakikipagbuno sa sakit na leukemia. August 8, 2008 nang ma-diagnose si Kiko na may sakit, at simula noon, naging mahirap man, matapang niyang nilabanan ang sakit hanggang sa nitong Marso 6, natapos na ang ‘laban’ niyang iyon. Matiwasay na siyang kumanlong sa mapagpalang kamay ng Maykapal.

Sa isa pang blog ni Francis M, sa www.magalona.com, inilarawan ng master rapper ang kanyang sarili bilang “a do-it-all one man wrecking crew.” Sino nga ba ang isang FrancisM, liban sa madalas nating nakikita’t napapanood noon sa Eat Bulaga?

Anak ng mga artistang sina Tita Duran at Pancho Magalona, artista rin ang isang anak na babae ni Francis Durango Magalona na si Maxene.

Kilala bilang ‘FrancisM’ at ‘The Mouth’ dahil sa kanyang pagiging mahusay na rapper, composer din mga kanta si Kiko, artista, dancer, producer at director. Si Francis ang nag-iisang binansagang ‘Master Rapper’ at ‘King of Rap’ ng bansa.

Nakilala rin si Francis bilang regular host ng sikat na sikat noong That’s Entertainment, at bago siya tuluyang pumanaw, mahigit isang dekada ring naging bahagi ng longest-running noontime show ng bansa, ang Eat Bulaga. Bilang artista, gumanap si Kiko sa ilang mga pelikula, kabilang na ang Gumapang Ka sa Lusak.

Sa kanyang propesyon bilang mahusay na rap artist ng bansa, mula 1990 hanggang 2007, nakapaglabas si Francis ng 11 album – Yo! (1990), Rap is FrancisM (1992), Meron akong ano! (1993), Freeman (1995), Happy Battle – featuring his band “Hardware Syndrome” (1996), The Oddventures of Mr. Cool (1998), Interscholastic (1999), Freeman 2 (2001), The Best of Francism (2002), Pambihira Ka Pinoy – single (2004), at F Word (2007). Maliban pa rito ang ilang kolaborasyon sa mga sikat na banda sa bansa, kabilang na ang sa Eraserheads na “Superproxy.”

Pero higit sa anupaman, mas nagmarka sa kamalayan ng mga Pinoy ang isang FrancisM dahil sa kanyang rap na pawang naglalaman ng mga mensahe ng pagkamakabayan, at sumasalamin sa sitwasyon at karanasan ng ordinaryong tao.

Maikli man, naging punung-puno at buong-buo ang naging buhay ni Francis Magalona! Sa ‘yo, FrancisM… sa lahat ng iyong kontribusyon sa industriya, at sa iyong impluwensiya sa maraming kababayan, maraming salamat… at paalam.

Previous articleGORGY’S PARK: Lorna T. celebrates Daboy’s birthday
Next articleFocus: Congress Copycats

No posts to display