TULOG-MANOK AKO nu’ng nakaraang linggo dahil sa pagsubaybay sa CNN sa pananalasa ng Frankenstorm Sandy sa U.S. East Coast. Marami akong kamag-anak at kaibigang naninirahan sa pook na ito. Mahigit na 350 ang Fil-Am community dito. At nakaaalis ng agam-agam ang assurance ng ating Konsulado na sila ay pinangangalagaan.
Bukas-patay ang TV ko buong magdamag habang hinihintay ko rin ang pagdating ng aking anak at dalawang apo mula sa Japan. Nakagugulat ang modern technology sa pag-monitor ng pinakadambuhalang bagyo sa kasaysayan ng U.S. Tinataya na mahigit 50 milyon tao ang apektado.
Ang paghahanda ng U.S. sa pananalasa ng unos ay kagulat-gulat din. Wala tayong binatbat. Ang hardest hit na mga lugar ay New York, New Jersey, Delaware, Maryland at Caribbean. Bilyones na dolyar ang inestimong losses at damages to properties. Subalit handa ang Amerika.
Ang ‘di nalunasang climate change ang ugat ng pagbuhos ng buwang-buwang bagyo at malawakang pagbaha sa kasaysayan ng mundo. Tila ba nababaliw ang kalikasan. At ang nakatutulong, ang ating pagwawalang-bahala. Sa Frankenstorm Sandy, ipinakita ng kalikasan na walang modernong civilization ang makasasansala sa kanyang poot at galit. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang Nueba York, “the city that never sleeps” ay nakatulog sa hambalos ng bagyo at pamiminsala ng baha. Ngunit iba ang U.S. sa pagkahanda. Kaya mahigit lang isang dosena ang napabalitang namatay. Ngunit halimaw ang naging pinsala sa properties at crops. Subalit babangon ang Amerika.
SAMUT-SAMOT
CHANGING OF the guards. Sa sinimulang NBA season, ito ang lumalabas na dahilan kung bakit ang legendary Lakers ay sunud-sunod ang pagkatalo. Average age ay 35 at si Kobe Bryant ay ‘di na kasing-liksi keysa nu’ng una. Si Paul Gasol ay ganito rin ang sitwasyon. Ang bagong addition, Dwight Howard, ay ‘di pa nagbe-blend sa team. Samantala, si Steve Nash ay over the hump na. Pakiwari ko’y ang batang team, Oklahoma Thunder, ang mamamayani.
PINAYAGAN NG Comelc na tumkabo ang Akbayan as party-list. Dahil kaya sa pressure ng Malacañang? Dapat na inalis sa listahan ng party-list ang Akbayan. Ang Akbayan ay house party-list ni P-Noy. Si Ronald Llamas at Riza Hontiveros ay maituturing na alagad ng Palasyo at ‘di ng anumang marginalized sector. Bakit baog ang buntot ng Comelec?
KITANG-KITANG PINAG-AAWAY ng media ang magkapatid na Sen. Jinggoy Estrada at Rep. J.V. Ejercito. Dapat ‘wag silang padala sa patibong. Ang Inquirer ang pasimuno dito. Sa totoo, wala naman alitan o selosan ang dalawa. At ‘di sila papayagan ni Erap.
ANG DIWA ng Kapaskuhan ay nag-iinit na sa paligid. Mga malls, establishments at bahay ay may sabit ng parol at Christmas lights. Sa radio-TV, humaharurot na mga Christmas carols. Maraming opis ang magdaraos na ng Christmas parties. Kaiba ang Pasko. Ako’y parang bata pang namamalik-mata nasa diwa ng Pasko. Sana’y araw-araw ay sumaatin ang diwa nito.
HINDI PA halos nakababangon ang maraming lugar sa New York at New Jersey na sinalanta ng Frankenstorm Sandy. Marami pang bahay ang walang power at pila pa sa mga gas stations. Kung ito’y nangyayari sa New York, hamak pa sa impoverished na bansa kagaya natin? Leksyon: kalikasan ang great leveler. Walang mahirap o mayamang bansa na ‘di nito kayang puksain.
ANO BA ang Ingles sa balisawsaw? Ito’y ang discomfort na laging pag-ihi. Lagi akong sinusumpong ng sakit dahil sa diabetes o prostate problem. Sabi nila, patuloy lang ang pag-inom ng maraming tubig. Just tiis. Kasama ang sakit sa pagtanda.
‘DI AKO masyadong ayon sa pagtakbo ni Leni Robredo sa pulitika. May balita na delikado siya sa kalaban, Nelly Villafuerte. ‘Pag nangyari ito, kahiya-hiya siya at si P-Noy. Sana’y mag-RTC judge na lang siya, palakihin ang mga anak at mamuhay nang tahimik.
BUTI NAMAN at magre-retire nang maaga si PNP Chief Nicanor Bartolome. Non-event ang kanyang naging pamumuno. Lalong lumaganap ang krimen at nag-deteriorate ang kalidad ng kapulisan. Sana’y ipalit sa kanya ang may political will at ‘di armchair management ang specialty.
KALUSUGAN ANG tunay na kayamanan. Wala nang maipapalit dito. Kundi maysakit, bale wala ang lahat. Tulad ni dating Pangulong GMA. Maysakit, nakakulong at walang nagsisimpatiya. Nakaaawang nilalang sa buong mundo. Malamang na buong buhay niya’y matatali sa kulungan. Maaaring nagsisisi siya at naging pangulo.
ANG KALUSUGAN ng kalikasan dapat pangalagaan. Buong mundo ay inabuso at nilapastangan ang kalikasan. Dahil dito’y nagkaroon ng climate change. Dapat manguna ang U.S. sa pagkalinga sa kalikasan sa buong mundo. Kawawa ang mga susunod na henerasyon ‘pag nagpatuloy ang pananalasa ng climate change. Sa panahong ito, maaaring wala na tayo sa mundo. Kailangang magsimula ngayon. Bukas o saka na ay huli na.
NAKIKIRAMAY KAMI sa naiwan ni Jess Solomon, dating VP for Administration ng Unilab. Edad 84. Gayon din sa mga naulila ni Ben Talan at Fred Mombay ng Unilab. May perpetual life shine upon them.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez