Ka Freddie Aguilar: isang kilalang songwriter-composer na nagpasikat ng maraming kanta, isa na rito ang sikat sa buong mundo na “Anak.”
Nang aking pasyalan sa kanyang “Ka Freddie’s” music hub ay nandun pa rin ang kanyang tikas magsalita. Noong 70s, ang mga ‘di mabuhay sa rally, eh, sa kanta na lang inilalapat ang masidhing damdaming pampulitika. Anak ng tinapa! Nung time na ‘yun, magdi-diyaryo pa ako, eh, naubos ang diyaryo kaya ang pobreng ako, napunta ng Tutuban.
Mahaba-haba ang usapan namin, at gusto ko lang ipaalam sa mga tao na si Freddie Aguilar ang tunay na legendary sa larangan ng musika sa bansa. Sabi ko, idol ko talaga siya, kasi naman, Freddie Aguilar na siya noon, samantalang ako, eh, teenager pa at tinutugtog ko pa sa gitara ang “Anak.” ‘Eto ang hindi ko malilimutang panayam sa sikat na music icon:
Gaano kayo kalalim o kababaw? Tanong ko sa kanya. “Ako kung gagawa ako ng kanta iyong mababaw na malalim, iyong naintindihan ng mga tao, kasi kung malalim, ano ang naitulong ko sa madlang tao?” say ni Ka Freddie.
Ipinanganak ba kayong mang-aawit, kompositor, makata o mapagmasid sa daigidig? “Actually, ang mga parents ko into politics, gusto ng Tatay ko ituloy ko iyon. Noong bata ako, gusto kong patulan ang Tatay ko, kumakanta na rin ako pero habang lumalaki ako nag-iiba iyong interes ko sa buhay. Mga limang taon ako, maaga akong namulat sa mata, marunong na akong manigarilyo, magbilyar, lumaban ng hubad sa blackjack, kasi madali akong matuto. Mahilig akong kumain ng asukal noon, may nakita akong isang platito, kinain ko, ayon pala eh, vetsin iyon. (Aha, kaya pala nauubos ang asukal sa garapon ikaw pala ang salarin) Kaya iyong lola ko, isinaksak sa akin iyong tabako, para tumigil ang pagsusuka ko, ang hindi nila alam eh, nagustuhan ko iyong tabako kaya doon ako natutong manigarilyo. But I stopped smoking mga 30 years ago. Tatay ko, mahilig kumanta, so I think I’m more of a musician than a songwriter, partly poet.”
What’s with the hair? Bakit ‘di talaga ito pinuputol? May powers ba iyan? “Ah, kasi nauso ang long hair noong binata pa ako. Laging kinokontra ng tatay ko ang pagpapahaba ko ng buhok, eh, magkaaway kami ng erpat, kapag sinasabi niyang mukha kang unggoy sa buhok mo, lalo kong pinapahaba. Sabi ko para maiba ako dinala ko na siya. Nang lumalaki na’ng mga anak ko, ang sabi siguro ng mga classmate nila, bakit ang Tatay mo ang haba ng buhok? So naapektuhan sila sabi sa ‘kin, ‘Tay pagupit ka nga, tingnan natin kung ano’ng hitsura.’ So nagpagupit ako, after one week lumabas ako sa TV, nakita ako ng mga fans ko sa buong Pilipinas, at sa buong mundo. Tumanggap ako ng telex kasi wala pang e-mail, ng mga sulat, pati mga kritiko sa diyaryo, sinasabi nila na mas gusto nila ang mahabang buhok, pati iyong mga fans, at saka iyong mga anak ko after 2 weeks, ‘Tay pahabain mo na ulit ang buhok mo, ang panget mo pala kapag maiksi ang buhok mo’.”
Anak ng pating! ‘Pag isusulat ko ang lahat ng pinag-usapan, ang haba, kapos tayo sa ispasyo. Ang totoo niyan, 300 words lang pero medyo nanunutil lang ako minsan na pinalulusot naman ni Bosing Agapito, hahaha! Pati ni Danny, ang ating managing editor. Pero dapat akong sumunod sa patakaran ng opisina para sa ikauunlad ng aming publikasyun. Cheers! Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
by Maestro Orobia