ALAM N’YO ba kung ano ang paboritong laro ng mga kabataan ngayon? ‘Yan ang taguan… taguan ng feelings para iwas ma-friendzoned!
Pamilyar ba ang eksenang ito? Nakilala mo siya. Naging friends kayo. Hang out d’yan, hang out dito. Naging magka-text kayo all day. Naging super close kayo, ‘yung tipong lagi kayong magkausap. Lagi n’yong inaalala at pinatatawa ang isa’t isa. Pero, dumating sa punto na hindi mo na kayang itago ang nararamdaman mo. Umamin ka, sinabi mo “I love you” at sumagot din siya ng “I love you too… BFF!”
Hindi ka pa natauhan, nagpanggap kang may sakit. Ito namang si BFF, takbo agad sa ‘yo para i-check kung okay ka. Pumunta siya sa bahay n’yo, may dalang prutas. Habang pinupunasan ka niya ng bimpo, aba! Hindi mo pinalagpas ang pagkakataon, tinanong mo siya: “Bakit mo ginagawa ang lahat ng ‘to sa akin?” Sumagot siya at ngumiti: “Siyempre naman, we’re BFF!” Tagos ang sakit. “We’re better off as friends” pala ang ganap. Friendzoned ngang matatawag.
Sa ganitong pagkakataon, magmamatapang ka pa bang aminin ang tunay mong nararamdaman sa taong ang tingin lang pala sa ‘yo ay BFF? Mahirap ‘yan. For sure, sa mga nakababasa nito, hati ang mga opinyon n’yo.
Para sa mga tao na walang guts para sabihin ang nararamdaman nila sa bestfriends nila, saludo ako sa inyo! Mas pinili mong itago na lang ang nararamdaman mo at ikaw na lang ang mag-sacrifice huwag lang siyang mawala. Tingnan mo nga naman, kahit nasa 21st century na, nabubuhay pa rin ang mga martyr sa mundo.
Pero, huwag mong dibdibin, think on the brighter side, isa ‘yan sa paraan para iwas friendzoned! Malamang hindi ka mape-friendzoned dahil wala ka namang aaminin. Hindi mo maririnig ang pinakamasakit na linyang “Bestfriends lang tingin ko sa ‘yo.”
Tanong: kaya mo bang itikom ang bibig mo sa true feelings mo? Sagot: hindi ko masabi. Pero, mas hindi mo mapipigilang ma-fall kung sinabi mo na love mo siya. The best way to do is to enjoy his or her company. Huwag kang masyadong mag-isip. Just have fun and be happy with her… nang walang malisya.
Para naman sa mga nagtatapang-tapangan diyan at all out ang desisyon na umamin sa best friend niya. Teka, teka, teka! Hinay-hinay, mga ate at kuya. Plano-plano rin ‘pag may time. Huwag ka munang umamin basta-basta. Ang gawin mo muna, maging clingy ka sa kanya. Konting flirt-flirt, ‘yung tipong iisipin niya na para sa iyo wala lang at sa kanya meron.
Aba, ‘pag nagduda na ‘yan nang ganyan, may chance! O kaya flirt-flirt ka muna sa iba, maging super friendly ka sa lahat para pagselosan niya. Tingnan ko na lang kung hindi pa siya maunang mag-I love you sa ‘yo. O kaya naman, maging superman ka sa kanya, ‘yung tipong isang tawag lang niya sa ‘yo, nandiyan ka na. O kaya, maging hari ka at ituring mo siyang parang reyna. Ewan ko na lang kung maghanap pa siya ng iba. Kung ganyan ang gagawin mo, mahihirapan siyang tanggihan ka.
Pero kung hindi mo talaga alam ang gagawin mo, at ‘di ka makahingi ng advise sa iba mong friends at baka malaman nila, may solusyon ako riyan! Bakit hindi mo i-try humingi ng love advice mula kay Papa Jack? O kaya naman, humingi ng tips para ‘di ma-friendzoned mula kay Ramon Bautista? For sure, isang tawag mo lang sa kanila. May sagot na agad sa problema mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo