Ang Frontline Pilipinas ang pinakabagong news program ng TV5 na maghahatid sa publiko ng balita mula sa loob at labas ng bansa. Unang ipalalabas ito sa Oct. 5, 2020 6:30-7:30 p.m. na mapapanood sa TV5 at OnePh,at pangungunahan ng mga batikan at multi-awarded broadcast journalists ng bansa. Kabilang dito sina Raffy Tulfo, Cheryl Cosim, Luchi Cruz-Valdes, Ed Lingao at Lourd De Veyra.
Kilala si Raffy Tulfo bilang “Hari ng Public Service” dahil sa kanyang pagbibigay ng serbisyong pampubliko sa masa na natutunghayan sa kanyang mga programa sa TV at radyo. Di kaila ang galing ni Raffy sa paghahayag ng balita at komentaryo sa higit dalawang dekada niyang karanasan. Kasama ni Raffy Tulfo si Chery Cosim na ilang dekada na rin sa industriya ng broadcasting.
Makailang beses na rin ito nakatanggap ng parangal gaya ng Best Female News Program Anchor sa ika-12 Gawad Tanglaw Awards at Best TV Newscaster naman galing sa ika-21 Golden Dove Awards.
Ang batikang broadcaster na si Luchi Cruz-Valdes ay kilala sa galing niyang maglahad at maglabas ng kwento at katotohanan mula sa kanyang mga kapanayam. Siya ang mangunguna sa one-on-one interviews ng mga nagbabagang balita ng Frontline Pilipinas.
Ang PMPC Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award KBP Golden Dove’s Broadcaster of the Year, at Best Female Newscaster ay ilan lamang sa mga parangal na natanggap niya sa kanyang makulay na karera.
Isa sa mga beteranong journalist sa bansa na si Ed Lingao na kilala para sa kanyang mga “hard-hitting stories” sa gera at politika, ang mangunguna ng kayang sariling segment na, “News ExplainED”, kung saan ay bubusisiin niya ang mga istoryang pinaguugatan ng malalaking balita.
Isa rin siya sa mga nominado ng ika-27 PMPC Star Awards for TV Documentary Program Host, two-time Marshall McLuhan Fellow at recipient ng First Red Cross Humanitarian Reporting Awards.
Kasama rin sa programa si Lourd de Veyra, na magbibigay komentaryo at magsisilbing social mood checker sa solo segment nitong, “Word of the Lourd”. Nagawaran rin ito ng Don Carlos Palanca Memorial Award sa larangan ng literatura noong 1999, 2003, at 2004.
Sagisag ng Frontline Pilipinas ang adhikain na “maasahang kasangga sa pagbabalita, boses ng may alam at may pakialam at balita’t impormasyong dapat malaman”. Dala nito ang pangakong maghayag ng mahahalagang balita at pagbibigay ng eksplanasyon at contexto sa mga manonood upang maintindihan nila ang kahulugan ng mga balita sa kanilang mga buhay.
Magsisimula ang programa sa ulo ng mga balita at susuportahan ito ng mga balita na may kaugnayan sa isa’t isa. Misyon ng programa, kabilang ng mga anchors nito na mag-ulat ng may pagpapahalaga sa mga viewers — ang news program na may masusing annotasyons, biswal, verified reports at analysis para sa mga manonood.
Mapapanood rin ang Frontline Pilipinas tuwing gabi, Lunes hanggang Biyernes, simula 8 sa One PH Channel 1 sa Cignal TV.