APRIL 30 nang unang maipalabas sa higit 100 na sinehan dito sa bansa ang Amazing Spiderman 2. At alam n’yo ba, sa ikalawang araw pa lamang nito, tumabo agad ito sa takilya. Umabot sa P112.6 million ang kita mula sa sales ng tickets ng nasabing pelikula. Sa lahat ng pelikulang naipalabas dito sa bansa, local man o international, ito na nga ang may hawak ng titulo ng pinakamalaking kita sa loob ng dalawang araw. Maaalala natin na noon, hawak ng Iron Man 3 ang titulo na umani ng P110.9 million na ticket sales. Pero noon iyon, hindi na ngayon.
Kung ganito ka-hit ang Amazing Spiderman 2 rito pa lamang sa Pilipinas, paano pa kaya sa ibang bansa? Nababalitaan na sa loob ng dalawang linggo pa lamang ng pagpapalabas nito sa sinehan sa Amerika, humigit kumulang $155 million na agad ang kinita nito. Kaya maliwanag na maliwanag sa atin na amazing ang Amazing Spiderman 2.
Nakuha ng nasabing mga tao sa likod ng pelikula ang kiliti ng mga manonood. Bukod sa ito ay pampamilya, puwede itong panoorin kasama sina lola, lolo, nanay, tatay, ate, kuya at bunso. Ito rin ay may kakaibang elemento: ang powers ng love story nina Gwen Stacy at Peter Parker. O atin na ring sabihin ang chemistry ng tunay na magkasintahan sa likod ng camera na sina Emma Stone at Andrew Garfield na talaga namang click na click sa mga tao.
Kung mapapansin, kapag ikinumpara ito sa ibang Marvel superhero films, may kakaibang atake ang Spiderman. Ipinakita ang soft side ng isang superhero. At iyon ay ang pinakamamahal niyang babae. May kasabihan nga tayo, sa bawat tagumpay ng isang lalaki, sa likod ng iyon ay isang espesyal na babae sa buhay niya. Ganoon na nga ang takbo ng kuwento ng sequel na ito. Ipinakita nito kung ano ang naging impluwensiya ni Gwen kay Spiderman sa pagsagip niya ng mga nanganganib na buhay. Ipinakita rin dito ang realidad na sa totoong buhay naman talaga, kapag nawalan ka ng inspirasyon sa buhay, mahirap nang kumilos.
Pero binigyan tayo ng aral ni Peter Parker na kahit kailanman sa buhay, wala tayong karapatang sumuko. Isa pang pinagkaiba ng Spiderman sa ibang superhero films ay ang katotohanan na hindi natakot si Spiderman na ilabas ang kahinaan niya kahit may tatak siyang superhero. Pinaalalahanan niya ang mga manonood na ang kalungkutan at kahinaan sa buhay ay gawing motibasyon upang sumaya at lumakas.
Nagpaganda rin sa takbo ng istorya ang pagdating ng kababata at matalik na kaibigan ni Peter na si Harry Osborn. Kahit siya ay kaibigan ni Peter, imbes na mapabuti ang lahat, naging mas kumplikado pa ang mga bagay-bagay dahil sa mga mapanganib na sikreto na nababalot ng kanyang pagkatao at maging ang relasyon ng kanilang mga ama na noon ay naging magkaibigan din pala.
Masasabi nga na amazing ang pelikulang Amazing Spiderman dahil sa magandang kalidad ng istorya nito. Ginampanan pa ito ng mga mahuhusay na artista at pinamahalaan ng magagaling na director at staff. At higit sa lahat, ito ay hindi basta-bastang pelikula dahil kahit ito ay isang piksyon lamang, kapupulutan naman ito ng mabuting aral.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo