LIKAS NA sa mga Pilipino ang pagiging mapamahiin. Kahit na nasa 21st century na tayo, ang mga henerasyon ng kabataan ngayon ay nagpapaniwala pa rin sa mga pamahiin na ating namana sa ating mga lolo’t lola at ating mga nanay at tatay. Pinakatumatak sa atin ang pagsabi ng “tabi-tabi po” kung may makikitang nuno sa punso. Ito ay para hindi magambala ang mga pinaniniwalaang duwende na nakatira roon.
Mayroon din tayong pamahiin na kapag dadalaw sa lamay ng patay, bawal dumiretso ng uwi agad. Dapat daw magpalipas muna ng oras sa ibang lugar para hindi ka masundan ng patay ng espiritu hanggang sa iyong tahanan. Mayroon din tayong pamahiin na kung sino man ang huling matapos kumain sa mesa ay siyang huling makapag-aasawa. ‘Yan ang iilan sa mga halimbawa ng pamahiin na ating nakasanayan ng gawin.
Ngayon namang buwan ng Agosto, usung-uso rin sa atin ang paniniwalang Intsik na nagsasabi na ang buwan ng Agosto ay isang “Ghost Month”.
Sabi ng mga Tsino, mula Hulyo 27 hanggang Agosto 24 ang pinakamalas na araw sa buong taon. Pinaniniwalaan kasi na bukas daw ang gate of hell kaya ang mga espirito ng kasamaan ay nakagagala sa ating mundo.
Ayon sa mga Tsino, ngayong “ghosts month”, bawal gawin ang mga sumusunod:
1. Huwag magpapagabi sa labas – Piliting makauwi nang maaga, nang maliwanag pa ang mga kalsada. Ito ay para maiwasan na may masamang mangyari sa inyo. Ayon kasi sa pamahiing Intsik, malakas ang enerhiya ng Yin kaya maraming mga masasamang elemento ang nakagagala kapag gabi.
2. Huwag lilipat ng bahay o kaya magbabago ng mga kagamitan sa bahay – Ayon kasi sa pamahiin, kapag maglilipat-bahay ka ng Agosto, ang posibilidad nito ay ang mga masasamang espiritu ay sasama sa lilipatan mo at aangkinin nila iyon bilang kanilang tahanan.
3. Huwag sumumpa nang masama
Ang mga kabataan pa naman ngayon mahilig sumumpa o kaya mag-curse kapag may hindi magandang nangyari sa kanila. Ito ‘yung mga linya na “may araw ka rin”, “karma na bahala sa iyo” at marami pang iba. Ngayong buwan ng Agosto, itigil daw muna ito dahil aakalain ng mga masasamang espiritu na sila ang sinasabihan mo ng mga ito. Kaya iwasan daw ito, mas mahirap kapag sila na ang nag-curse sa inyo.
4. Huwag magpakasal sa buwan ng Agosto
Pinaniniwalaan na mamalasin ang sinumang magpakasal sa buwan ng Agosto at baka maghiwalay pa sila. Ito ay dahil nangungunang gate crasher daw sa kasal ang mga masasamang espiritu.
5. Huwag sumipol o kumanta sa gabi
Naku po! Ang mga bagets pa naman ay mahilig kumanta-kanta at sumipul-sipol. Sabi ng mga Tsino, bawal daw gawin ito sa gabi dahil aakalain ng mga masasamang espiritu ay tinatawag mo sila. Mahirap na, baka mamaya, may duet na palang magaganap.
6. Huwag mag-swimming
Sabi-sabi na ang mga namatay dahil sa pagkalunod ay maghihiganti kaya ang gagawin nila ay kukunin ang buhay ang sinumang makikitang lumangoy at sasanib sa katawan nito.
7. Kapag nagdarasal, huwag daw titingin sa ilalim ng altar
Bakit? Dahil kadalasan naroon ang mga masasamang espiritu. Kapag nahuli ka nilang tumingin sa kanila, hindi ka na nila lulubayan.
‘Yan ang mga ilan sa bawal gawin ngayong Ghost Month ayon sa ating mga kaibigang Intsik. Wala namang masama kung paniniwalaan mo ito. At wala rin naman masama kung hindi mo ito paniniwalaan, basta alam mo sa sarili mo na mabuti ang ginagawa mo at nagtitiwala ka na may Diyos na gumagabay sa iyo, walang dapat ikatakot. Tandaan, wala naman talagang malas dahil ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo