KAMAKAILAN LANG, niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang bansang Nepal. Ito ay kumitil sa humigit-kumulang walong libong buhay at bilyun-bilyong halaga ng ari-arian. Nakiisa tayo sa buong mundo sa pagtulong sa kanila. At sa mga ganitong klase ng unos sa buhay, walang makapagsasabi kung kailan ito magaganap dahil nga lindol iyan, walang makapagtutukoy ng tiyak na petsa at oras kung kailan ito mananalasa. Kaya ang dapat lang na gawin natin ay maging handa sa lahat ng pagkakataon. Kaya, mga bagets, handa na nga ba tayo?
Masyado bang nakakakaba o nakatatakot ang tanong kong ito? O, baka ang iba sa inyo ay pinagtatawanan ako? Aba, hindi nakatatawa at walang nakatatawa sa ganitong usapin. Dapat lahat tayo ay maging maalam sa mga pangyayari at sa posibleng mangyari sa bansa lalo na ngayong Pilipinas na ang nakatakda para sa The Big One. Ano nga ba ang sinasabi kong ito?
Ang The Big One ay puwedeng mangyari na sa panahon ngayon kung gumalaw ang West Valley Fault ng Pilipinas. Ayon sa mga eksperto, hinog na hinog na ang West Valley Fault at puwede na itong mangyari anumang oras, at lubos na maaapektuhan ang malaking parte ng Metro Manila at kalapit probinsya, kung saan naroon ang bulto-bulto ng tao, kinaroroonan ng mga government offices, at country’s business capital. Kaya inaasahan na malaki ang posibleng negatibong epekto kapag nanalasa ang The Big One.
Bakit nga ba nasabing hinog na ang West Valley Fault Line sa bansa?
Ang West Valley Fault Line ay may 400-year cycle, kung saan sa nakalipas na 1400 years, nakaapat na itong paggalaw. At mula sa taong ito, 357 years ago ang pinakahuling paggalaw ng West Valley Fault line, kaya naman sinasabing ang bansa natin ay long overdue na sa The Big One.
Ayon sa mga eksperto, narito ang mga lugar na malapit sa West Valley Fault line. Ibig sabihin, ito ang mga lugar na malubhang maaapektuhan ng The Big One: Quezon City, Marikina, Makati, Pasig, Taguig, Muntinlupa, Bulacan (Doña Remedios Trinidad, Norzgaray, San Jose Del Monte City), Rizal (Rodriguez), Laguna (San Pedro City, Biñan, Sta Rosa, Cabuyao, Calamba), Cavite (Carmona, General Mariano Alvarez, Silang).
Kaya mga bagets, mabuti nang maging handa sa lahat ng pagkakataon. Tama na muna ang pagse-selfie o pakikinig sa Spotify. Ugaliing manood ng balita araw-araw para makakuha ng mahahalagang impormasyon patungkol sa The Big One. Mag-research din kung paano magiging handa sa pananalasa ng magnitude 7.2 na lindol sa bansa. Wala mang tiyak na petsa sa pananalasa nito, mabuti pa rin na handa tayo sa lahat ng pagkakataon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo