BACK TO his first love na ulit si Gabby Concepcion – ang paggawa ng pelikula – and this time, remake ng Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi ang nakatakda niyang gawin under Viva Films.
Sa isang interview, kinuwento ni Gabby na, “Ako, excited ako na makakasama ko ulit ‘yung si Alice Dixson, si Cristine Reyes, kasama si Dina Bonnevie. Ang original story nito ay ginawa ni Danny Zialcita, maganda ‘to. Ito ‘yung Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi. It was done in 1983. Kung nakita n’yo ‘yung original movie, ‘yung karakter ni Dindo Fernando, involved siya sa lahat ng characters, involved siya kay Dina, kay Alice at kay Cristine.”
Ang pelikulang ito ay ginawa ng Viva Films noong 1983 na pinagbibidahan nina Dindo Fernando, Laurice Guillen, Janice de Belen, Alvin Enriquez, Tommy Alvarado, Eddie Garcia at Gloria Diaz sa direksiyon ni Danny Zialcita.
Ang karakter ni Dindo na ngayon ay gagampanan ni Gabby ay parang magkakaroon ng kaugnayan sa tatlong babae. So, ang dating ba nito ay parang true to life story niya? Matatandaang naugnay si Gabby sa ilang celebrities noon.
Natawa niyang sagot, “Nagtatrabaho lang naman ako. So, tinittingnan ko ito bilang isang art piece. So, kasama ito sa trabaho, walang personalan dito. Strictly work.”
Dagdag pa niya, “Siguro meron naman akong mga pinaghuhugutan na, dahil sa mga pinagdadaanan ko. Uhm, sa tunay na buhay, gusto na nating kalimutan ‘yun, pero dahil nasa industriya tayo kailangan nating may pinaghuhugutan. ‘Yun ‘yung nagiging asset natin.”
MATAPOS MAGING sentro ng intriga dahil kay Bea Binene, may pinagkakaabalahang bago itong super friendly sa showbiz press na si Atty. Ferdinand Topacio – ang pagiging talent manager.
Last week sa isang private dinner, ipinakilala ni Atty. Ferdie sa amin ang kanyang bagong alaga, si Xavier Cruz na in fairness ha, may angking galing din sa pag-awit.
Kuwento ni Atty. Topacio, “Mahilig ‘yung batang kumanta, nakita ko ‘yung talent niya, mayroon ‘yung ambition talaga, may drive. Sabi ko, since may mga kakilala naman akong mga entertainment writers, ayun, why not helping him.”
Tulong lang daw ito kay Xavier ni Atty. Topacio dahil kaibigan daw niya ang tatay nito. Dagdag pa niya, “We are working now on his image, ‘yung looks niya, tapos workshop sa acting, kasi may talent na naman siya sa singing.”
Hindi pa ba siya nadala sa pagtulong noon kay Bea na nauwi lang sa demandahan? Natatawang kuwento ni Atty. Topacio, “Hindi ka naman dapat nadadala ‘pag wala kang masamang ginawa, kahit ‘yung kapalit n’yon ay hindi masyadong maganda, you just have to keep on trying kasi hindi naman lahat ng tao ay ganu’n.”
Say naman ni Xavier, “Matagal ko na talagang gusto, kaso nahihiya po talaga ako dati, kasi sobrang taba ko pa. Tapos mababa pa ‘yung self-esteem ko dati. Pero ngayon okay na ‘yung confidence ko.”
In fairness, graduating na siya ngayong March sa kursong Entrepreneurial Management sa University of Asia and the Pacific. Goodluck sa inyo Atty. Topacio at Xavier Cruz. ‘Yun na!
SUPER PUNO ang venue ng Manila Hotel tent, last Saturday February 16 sa birthday celebration ni Senator Jinggoy Estrada kung saan ito ay inorganisa ng kapatid niyang si Jackie Ejercito at misis na si Precy Ejercito. 1100 ang invited guests, pero tantiya namin lagpas pa sa naturang bilang ang mga dumating in and out of showbiz, business and politics.
Present ang mga matatalik na kaibigan ni Sen. Jinggoy na sina Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Direk Edgar Mortiz, Philip Salvador, Cong. Lani Mercado, Sen. Bong Revilla, Amy Austria, at Lorna Tolentino. Naghandog pa ang ilan sa kanila ng awitin.
Noong ang kanya namang mga anak at asawa ang naghandog ng production number sa kanya, hindi na nakuha pang kontrolin ni Sen. Jinggoy ang kanyang sarili at tuluyan na itong napaluha. Ilang beses na nakuhanan ng kamera ang birthday celebrator na umiiyak. Happy 50th birthday Senator Jinggoy Estrada, ang dati kong boss noong siya’y Mayor pa lamang ng San Juan.
Sure na ‘to
By Arniel Serato