NAINTRIGA KAMING panoorin ang pang-hapong beki-drama series na Dading ni Gabby Eigenmann sa GMA-7 na dinirek ng award-winning actor na si Ricky Davao. Karapat-dapat nga ba itong panoorin at ikaaaliw ng manonood? Maayos naisalarawan ni Direk Ricky ang character nina Gabby (Carding) at Glaiza de Castro (Beth) kung anong friendship mayroon silang dalawa.
Nag-transform agad si Gabby sa pagiging Carding na bakla. Ramdam mo agad ang pagiging bading niya habang pinapanood mo ito. Natural, hindi nagpipilit maging beki, kahit knows nating totoong lalaki ito sa tunay na buhay. Totoo nga, kinakarir ng actor ang pagiging beki niya sa series na ito. “Bakit ang hindi? Biggest break ko ito kaya’t dapat lamang seryosohin, “banggit niya.
Malaki ang ang naitulong ni Direk Ricky sa papel na ginagampanan ni Gabby. Ang pagkakaalam namin, bago nagsimulang mag-taping, nag- workshop muna with the director bilang paghahanda sa role na gagampanan ang anak ni Mark Gil. Gusto kasi ni Direk Ricky na ma-relax ang binata at ma-feel ni Gabby ang papel niyang gagampanan bilang si Carding and eventually magiging Dading dahil magiging tatay na siya.
Kung minsan nga, kapag kinukunan ng eksena sina Gabby at Glaiza, hindi mapigilan ng dalagang matawa sa ikinikilos ng binata, pati pananalita nito baklang-bakla. ‘Yun naman kasi ang kailangan kaya’t very effective ang acting power ng actor.
Sa takbo ng istorya, mai-in love at mabubuntis si Glaiza, iiwanan ng lalaki. Si Dading ang magpapanggap na magiging ama kahit bakla ito. In reality, may posibility kayang ma-in love ang actress sa isang macho gay? Hindi raw problema kung beki ang lalaking mamahalin niya. Ipaglalaban daw nito ang BF na gay,lalo na kung good provider at very responsible father sa magiging anak nila. If ever daw na magkaka-boyfriend si Glaiza, wish niya sana ‘yun na rin ang makatuluyan niya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield