SI GABBY Eigenman ang nanalong best supporting actor sa recently concluded 63rd Famas Awards na ginanap sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World noong Linggo, September 20.
Tinalo niya ang iba pang nominees na sina Emilio Garcia (Magkakabaung), Ian Veneracion (Feng Sui), Jim Pebangco (Kamkam), Lito Pimentel (Starting Over Again), Richard Gomez (who got two nominations for She’s Dating A Gangster and The Trial), Roi Vinzon (Magnum Muslim 357), at Romnick Sarmenta (Hustisya).
“Actually being nominated, it feels like a winner already. Kasi out of so many films, ang daming pagpilian… ‘yong nomination ay malaking karangalan na,” sabi ni Gabby.
“Kapag nanalo, icing on the cake. So, sinuwerteng manalo kaya mas masaya ako. This is my first nomination for a movie. And my first acting award din sa pelikula and for Famas. So, 63rd year na ng Famas ito. I’ve been in the businessw for almost 20 years. This is my first time to attend an award especially sa Famas. First time din na… kasi first movie ko itong Asintado for Cinemalaya tapos napansin at nanalo nga ako. So, I’m very thankful. Happy ako. I’m overwhelmed,” sabay ngiti ni Gabby.
Basta Eigenman, magaling naman talagang artista. Nasa dugo at lahi nila ang husay sa pag-arte.
“Pressure!” tawa ng aktor. “Pressure! Sobrang pressure ‘yon. At ngayong nanalo nga ako, e ‘di masasabi kong parte nga ako ng pamilya, ‘di ba?” tawa niya ulit.
May bagong project na ba siyang gagawin?
“As of now, pahinga muna ako. Alam ko may bagong bubuksang show ang GMA these coming months, so… waiting lang ako. Katatapos lang ng Pari Koy at ng Insta Dad, e. So, sandaling pahinga lang muna.”
Nag-lead role na siya sa Insta Dad at sa Dading kung saan mabait ang ginampanan niyang character. Pero open pa rin daw siya sa mga kontrabida roles na gaya ng ginampanan naman niya sa Pari Koy na pinagbidahan naman ni Dingdong Dantes at sa indie film na Asintado, kung saan nanalo nga siya bilang best supporting actor sa Famas.
“Yeah! Oo. Ano lang ‘yan, e… umiikot lang naman ang roleta. Kumbaga, puwede kang maging mabait ulit, puwedeng maging masama.”
Saan ba siya mas hirap, sa mabait o sa salbaheng role?
“Sa mabait!” tawa na naman ni Gabby. “E, kasi nakasanayan ko nang maging kontrabida, e. Halos buong career ko, I’ve been playing the antagonist e, for the longest time. Tapos nag-open ang doors for me to do goody-goody role sa Dading at Insta Dad that paved way. Sabi ko nga… basta kung anuman ang ibigay, gagawin ko ang best ko, gagawin ko lahat ang makakaya ko.”
Sa mga anak ba niya, may nakikita siyang nagkakainteres din na pumasok sa pag-aartista?
“‘Yong bunso ko na lalaki, gusto e. Pero we’ll see kapag natapos na siya sa pag-aaral. Sana tapusin muna niya ang college. Uhm… iyon din ang sinabi ko noon, e. When I graduated high school, kinukuha na ako para sa industriyang ito, e. Nag-deal kami ng daddy (the late Mark Gil) ko na sabi ko… kung talagang dito ako papunta e, tapusin ko muna ang college ko. E, hindi ko tinapos! Hahaha! Kasi talagang… it was a calling. Nag-showbiz na ako kaagad,” panghuling nasabi ni Gabby.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan