NGAYON LANG lumaki itong isyu nina Vice Ganda at Jessica Soho na nasaktan nang ginawa siyang katatawanan sa nakaraang concert ng una.
Nag-react ang mga reporters ng GMA-7 dahil hindi raw dapat gawing katatawanan ang kagaya ni Jessica na isa nga naman sa iginagalang na broadcasters ng bansa.
Pagkatapos, sa skit na ‘yun ni Vice sa concert niya, ginawa pang katatawanan ang rape na isa sa mga seryosong krimen.
Kaya naglabas ng statement si Jessica na hindi siya nasaktan sa ginawa sa kanya ni Vice, kundi doon sa maselang isyu ng rape na hindi raw dapat gawing katatawanan.
Sabi nga nito sa statement na inilabas niya kamakailan lang, “Rape is not a joke and should never be material for a comedy concert.”
Dapat malaman daw ni Vice kung ano ang hirap na pinagdaanan ng mga rape victim, kaya hindi dapat ito gawing katatawanan.
May punto rin naman sila diyan, kaya dapat maging maingat din si Vice sa pagpapatawa na nagagamit ang ibang tao.
Ang dinig ko, pati raw Gabriela ay makikialam na rin at gagawa na rin sila ng aksyon laban kay Vice Ganda.
Pero humingi na raw si Vice ng paumahin kay Jessica at sinubukan nga raw nitong tumawag kay Jessica pero hindi naman siya kinausap.
Siguro hindi pa nga naman handa si Jessica na kausapin si Vice dahil nasaktan nga ito.
Hindi ko pa alam kung tinanggap ni Jessica ang public apology ni Vice. Alam ko, sasagutin ‘yan ni Jessica sa programa niya sa GMA News TV na SONA.
Siguro magkakaayos din naman ‘yan. Ganu’n talaga, may masasagasaan at masasaktan, kaya dapat mag-ingat na lang sa susunod.
Sanay na rin naman tayo sa style nang pagpapatawa ni Vice, eh. Ginagawang katatawanan ang ibang tao. Hindi kagaya nina Jose at Wally na wala silang pinagtatawanan na ibang tao, kundi ang sarili lang nila.
BALIK TRABAHO na si Christopher de Leon pagkatapos ng eleksyon na hindi nga siya pinalad.
Tingin ko naman kasi hindi talaga siya pampulitika kaya mabuti na ‘yung sa showbiz na siya mag-concentrate.
Mabuti nga, pagkatapos niyang matalo sa eleksyon ang dami pa ring gustong kunin siya, kaya balik-work na si Boyet.
May gagawin siyang teleserye sa ABS-CBN 2, kung saan makakasama niya sina Angel Locsin, Paulo Avelino at Andi Eigenmann.
Si Sandy naman ay nakapagsimula na sa GMA-7, kung saan kasama siya sa bagong pang-GMA Telebabad na Anna Karenina. Ito ‘yung papalit sa timeslot ng Indio na magtatapos na ngayong linggo.
Sa June 3 na raw magsisimula itong Anna Karenina na kung saan may mahalagang role na gagampanan si Sandy.
Sabi nga ni Sandy, parang nabunutan daw sila ng tinik pagkatapos ng eleksyon. Napag-usapan na raw nila ni Boyet na hindi na talaga sila sasali sa pulitika.
Itutuloy pa rin daw nila ang pangako nilang pagtulong sa mga taga-Batangas kahit hindi sila pinalad sa nakaraang eleksyon.
Tingin daw niya kasi hindi talaga dapat kay Boyet ang pulitika, kundi sa showbiz pa rin talaga siya.
Hay, naku! Buti naman at na-realize nila ‘yan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis