ILANG ARAW na lang po at Pasko na naman. Bagama’t ito ang pinakamasayang holiday, ito rin ang pinakamagastos dahil sa dami ng mga party na kelangang puntahan at mga regalo na kailangang ibigay. Sa PERA TIPS column na ito ay tututukan natin ang ilang pamamaraan para makatipid sa pagbili ng mga gadgets katulad ng smart phone, tablet, digicam, atbp.
Kamakailan lang ay bumulaga sa Internet ang trending balita sa isang department store sa Nanjing, China, kung saan ang isang babae na ayaw bilhan ng kanyang boyfriend ng iPhone 6s ay naghubad ng damit sa galit. Bagama’t wala pa akong nababalitaan na babae na gumawa nitong kakaibang “emotional outburst” sa Pilipinas, siguro naman ay sasang-ayon kayo sa obserbasyon na katulad ng mga Chinese eh, marami ring Pinoy ang naaadik din sa gadget.
Ang salitang “gadget” ay galing sa wikang Pranses na ang ibig sabihin ay laruan at oo nga, marami sa ating kababayan ay bumibili lamang ng mamahaling bagay na ito para ito ay paglaruan lamang. Nakapanghihinayang kasi marami pa namang practical at useful functions ang mga gadget na ito katulad ng pagkuha ng mga video/larawan ng mga krimen na nagaganap sa ating mga kapaligiran o kaya ang paggamit ng mga apps na puwedeng gamitin sa pag-aaral, negosyo, career, financial management, at kalusugan.
Maliban sa tukso na gawin lamang laruan ang isang gadget, nand’yan din ang challenge na maraming gadgetas ang madaling malaos dahil mabilis lumabas ang mga bagong modelo. Dahil dito, maaring maging madalas din ang pagpapalit ng mga gadget natin kahit na hindi pa sira ‘yung mga nauna nating nabili.
Ito ay ilan pang mga PERA TIPS para sa ating mga kababayan na mahilig bumili ng gadget:
- Alamin kung ano ba talaga ang pagagamitan mo ng gadget na iyong binili. Bumili ka ba dahil meron kang gustong gawin sa bagong gadget na hindi mo puwedeng gawin sa luma? Siguraduhin na importante talaga ang pangangaliangan na ito at hindi dahil lang merong kang gustong laruin na bagong games. Magsaliksik muna sa Internet tungkol sa features ng gadget na balak mong bilhin at ikumpara dun sa iba pang mga gadgets na katulad nito na available.
- Hindi porke’t mahal ang isang gadget eh, maganda na ang kanyang quality. Baka meron mga gadgets na katulad ng mga headsets, external speakers, at ilang pang generic na computer products na puwedeng tapatan ang mga mamahaling branded counterparts. Mag-research kayo para malaman n’yo.
- Alamin n’yo rin ang sari-saring warranty schemes ng vendor na bibilhan n’yo ng gadget.
- Alamin sa dyaryo, Internet, at iba pang media outlets kung meron mga pre-Christmas discount sale ang mga vendor ng gadgets at pakinabangan n’yo ito.
- Kung gusto n’yong bumili ng gadgets online, ang isa sa mga pinakasikat na tindahan ay ang Lazada. Puwede rin kayo pumunta sa OLX, at tipidpc.
- Kung gusto n’yong makipagsapalaran sa mga segunda manong mga gadget, maaari kayong pumunta sa mga subasta ng mga pawnshop. Siguraduhin n’yo muna na ma-test ang segunda manong gadget sa tindahan bago n’yo siya bayaran.
- Para sa mga digicam at regular cameras, ang Hidalgo St., sa Quiapo, Manila ay isa sa mga lugar kung saan puwede kang bumili ng mga brand new na camera na mas mura pa kaysa presyo sa mga mall.
- Alamin n’yo rin kung meron ngang tindahan ng gadget na bukas sa mga “trade-in” option.
_____________________________________________
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Serate Ferrer