SA DAMI ng taong dumagsa sa Luneta, hindi mo na iisipin kung may isang milyon nga ang nagpunta sa protesta kahapon. Nasa 400,000 na tao ang tinatayang nag-martsa sa makasaysayang Luneta Park upang makilahok sa tinaguriang “Million People March”.
Iba’t ibang tao ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa maanomalyang pork barrel. Ipinapakita nila ang kanilang hindi na matiis na galit at labis na pagkapikon sa mga magnanakaw na nanunungkulang opisyal sa gobyerno.
Ang tanong ngayon ay paano kung ang isang inakusahan at napatunayang nagnakaw sa gobyerno ay na-kilahok sa protesta laban sa korapsyon?
Ang sagot sa tanong na ito ay ang dinanas ng da-ting mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona, nang magpakita ito sa Luneta Grandstand. Umalingawngaw ang pag-“boo” ng mga tao nang malaman nilang nandoon din si Corona sa lugar at katakot-takot na panlilibak ang natikman ng napatalsik sa puwestong dating Chief Justice.
PANLILIBAK DIN at galit ng taong bayan ang natikman ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza nang magpakita ito sa Luneta. Si Atienza at Corona ay kapwa nagsitaasan ng kanilang mga kamao bilang simbolo ng kanilang paglaban sa katiwalian sa gobyerno.
Ang dalawa ay parehong naging sentro ng usapang korapasyon at pag-abuso sa kapangyarihan. Matatandaang si Corona ay napatalsik sa kanyang puwesto bilang mahistrado ng Korte Suprema dahil sa hindi pagdeklara nito ng kanyang mga yaman.
Ayon sa mga senador na humatol kay Corona, nagsinungaling ito sa kanyang SALN. Dahil sa mga yaman na hindi maipaliwanag ay maaaring isiping nagnakaw, nag-abuso sa kapangyarihan at nagpagamit si Corona sa pulitika.
Si Atienza naman na dating mayor ng Maynila ay nasangkot sa isyu ng ZTE scandal. Siya ay inakusahan ng whistle-blower na si Jun Lozada na kakuntiyaba ni Arroyo sa pagpadala sa kanya sa Hong Kong upang siya ay patahimikin. Siya ang itinuro ring sangkot sa tangkang pagdukot kay Lozada sa kasagsagan ng isyu.
HINDI NA talaga mauuto ang mga Pilipino ngayon. Ang labis na hirap sa buhay ang nagmulat sa kanilang mata sa mga mapagkunwaring pulitiko. Hindi na sana ginagamit ng mga mapagsamantalang pulitiko ang mga pagtitipon na ganito. Basa na ang papel nila at hindi na sila maaaring “pumapel pa!”
Ang mga mapagsamantalang tao talaga ay walang pinipili. Basta makabubuti sa kanila at puwede nilang gamitin sa pansariling mga plano at kakapalan nila ang kanilang mga mukha para sa maitim nilang balak.
Natutuwa ako at matalino na ang mga mamamayan ngayon at hindi na madaling magpapaloko pa sa mga ganid na pulitiko.
IPAGPALAGAY NA nating may karapatan din silang magpahayag ng galit sa gobyerno. May karapatan din si Corona at Atienza na tanungin ang Palasyo kung bakit hindi isinama sa imbestigasyon ang kasalukuyang pork barrel. At may karapatan ding punahin ang mga mambabatas na sangkot sa maanumalyang PDAF.
Ang karapatan ba nila ay nagpapakita na may malasakit sila sa bayan? Hindi! Wala silang malasakit sa bayan dahil pinasakitan din nila ito. Hindi nila puwedeng ipagmalaki na may karapatan silang makisali sa protesta dahil hindi nila tunay na minahal ang ating bayan.
Shooting Range
Raffy Tulfo