MULA SA dating porsiyento, ngayon ay ginawa nang sahod na hindi bababa sa “minimum wage” ang magiging income ng mga bus driver dito sa Metro Manila.
Paraan umano ito para hindi na masyadong makipaghabulan at makipaggitgitan ang mga bus driver dahil hindi na sila maghahabol ng porsiyento. Ang epekto ay mababawasan na rin ang mga aksidente sa kalsada.
Ang siste, parekoy, masyado itong kapiranggot kumpara sa dating kinikita ng mga driver na nasa P1,500 “every other day” noong porsiyento ang partida sa kanila.
Dahil dito, inoobliga ng pamahalaan ang mga bus company na maliban sa sahod ay bigyan din ang mga driver ng tinatawag na insentibo.
Eh, ‘di ganu’n din? Maghahabulan na naman uli sila!
Hindi raw ayon sa pamahalaan dahil ang insentibo ay para sa sinumang walang disgrasya o pinakamaingat na tsuper.
Sus, Ginoo! Eh, ‘di usad-pagong naman ang gagawin ng mga driver, tutal sigurado na ang kanilang mga sahod .
Wala na silang pakialam kung 10 oras abutin ang Monumento Baclaran, bahala na rin kung malugi na ang kompanya basta may insentibo!
Mag-isip-isip naman kayo!
ITINANGGI, PAREKOY ni Pampanga PNP Provincial Director S/Supt. Ed Tinio na collector niya itong si Sgt. Lennon.
Pero hindi maitanggi ni Col. Tinio na laganap nga ang sugal sa buong lalawigan ni Gov. Lilia Pineda na asawa ni “known gambling god” Bong Pineda.
Langya namang senaryo na ‘yan Col. Tinio, ibig sabihin, alam mong laganap ang sugal sa iyong AOR, pero wala kang ginagawa para matigil ito?
Aminado ka ba na inutil ka?
Hindi ka ba naniniwala na kaya hindi ito pinatitigil ng iyong mga Chief of Police dahil may “lagay” ang mga ito sa iyong mga COP?
Mula P01 hanggang sa mga COP ay may patong, tapos sa iyo lang wala?
Tangna naman Col. Tinio, kahit sinong gago ay hindi maniniwala sa iyo…
Lalo namang hindi maniniwala sa iyo si PNP Chief?
Ipahuli mo na kasi ‘yang si Sgt. Lennon para kapani-paniwala ka naman!
PINASABUGAN NG granada noong nakaraang linggo ang loob ng compound ng NHA na nasa pusod ng Kyusi.
Nauna rito, kabi-kabila naman ang naging krimen sa nasabing lungsod kasama na ang mga nakawan at patayan.
Lahat ‘yan, parekoy, ay nasa responsibilidad ni QCPD Dir. C/Supt. Mario dela Vega.
Pero wala tayong nararamdamang konkretong kilos ni Gen. Dela Vega para masawata ang mga pangyayaring ito!
Katunayan, parekoy, kahit nga ang “Jueteng” ni Mendoza sa Novaliches ay hindi kayang ipatigil ni Gen. Dela Vega.
Sabagay, ba’t nga naman ipatitigil ni General kung totoo ang ulat na busog naman siya sa mga pasugalang ito?!
Pakapalan na talaga ang labanan ngayon, parekoy! Pwe!!!
Kaya kung gusto ni NCR-PO Chief Alan Purisima na tumino ang Quezon City ay sipain na si Gen. Dela Vega!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303