ISA SA mga sinusundan at kinagigiliwan ng marami nating kababayan na isang foreign drama series ay ang kakatapos lang na serye na Game of Thrones. Kakaiba ang mala-telenobelang palabas na ito dahil tumatalakay ito sa mga kasamaang bumabalot sa kapangyarihang natatamasa ng isang indibidwal sa larangan ng pulitika.
Mas lalo pa itong naging interesante dahil halos makikita mo sa palabas na ito ang anyo ng ating pulitika sa bansa. Sabi nga nila, sa pulitika ay walang permanenteng kaibigan at kaaway. Bagkus ay permanenteng interes lamang sa kapangyarihan.
Sa ganitong konteksto tinitingnan ng maraming political analyst ang nilalaman ng talumpati ni VP Jejomar Binay na inilabas sa publiko, ilang araw matapos ang kanyang pagbibitiw sa puwesto bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Aquino. Malinaw ang mga pag-atake ni Binay sa kasalukuyang administrasyon, subalit hindi niya nais na diretsahang banggitin ang pangalang Aquino.
Ang seryeng Game of Thrones ay gaya lang ng nagaganap sa ating kasalukuyang panahon sa larangan ng pulitika. May mga banggaan ng interes at gamitan ng mga tao upang makalamang at makapagkamit ng kapangyarihan sa lipunan. May patayan din ng mga dating magkakaalyado at pagtatraydor para lamang maisalba ang sarili. Marami na tayong nakitang ganito sa ating pulitika sa Pilipinas at marami pang magaganap na ganito habang papalapit ang eleksyon sa susunod na taon.
MARAMING BATIKOS naman ang naglitawan dala ng talumpating ito ni VP Binay. Walang laman at puno lamang ng baluktot na paghihinanakit umano ang naibulalas ni VP Binay sa kanyang talumpati. Ang mga isyung nagpabagsak sa rating ni Pangulong Aquino noon ay isa-isang binalikan ni Binay ngunit tila huli na ang mga negatibong reaksyon na ito galing kay Binay dahil nanahimik lamang siya noong mga panahong kasagsagan ng mga isyung ito.
Bukod sa mga isyu gaya ng Mamasapano massacre at DAP, sinagasaan din niya ang usaping PDAF. Ang problema ay maging ang kanyang anak at asawa ay naisasangkot din sa isyu ng PDAF at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nalilinawan ang isyu na ito. Pinunto rin ng isang kritisismo kay VP Binay ang pagbatikos nito sa pagiging unconstitutional ng DAP samantalang tumanggap din ito ng DAP na aabot umano sa 100 milyong piso.
Maliwanag para sa mga taga-Liberal Party na walang utang na loob umano si Binay sa Pangulo dahil matapos itong pagkatiwalaan sa kanyang gabinete at magamit ang mga ahensyang iniatas sa kanya ay bigla itong mang-iiwan sa ere at sisiraan ang administrasyong naging kabahagi siya sa loob ng mahigit 5 taon. Kung tunay ngang pinaniniwalaan niyang manhid at palpak ang administrasyong Aquino ay bakit umano siya humihingi ng indorsement at suporta rito para sa kanyang pagtakbo pagkapangulo?
ANG MGA kaalyado ni Binay ay dumidepensa naman para sa kanya. Naaayon lamang umano ang pagbibitiw sa tamang hakbang na nagsusulong ng delikadesa sa pag-uugali at pagpili ng mga taong nasa poder ng kapangyarihan. Ang iba kasing opisyal ng pamahalaan natin ay ginagamit pa ang kanilang mga puwesto para sa kanilang pasimpleng pangangampanya gaya ng paggamit sa mga informative commercials ng gobyernong PNoy. Nag-aabuso o pag-take advantage sa pondo ng kanilang ahesiya para lamang maipakilala ang sarili sa milyun-milyong nanonood ng telebisyon.
Palibhasa’y sadyang mahal ang mga info-mercials na ito kaya naman sinusulit ng iba para pasimpleng makapagkampanya dahil gaya ni Binay, ay nagbabalak din ang mga ito tumakbo sa 2016 elections. Ito ay naging malaking hamon kay DILG Secretary Mar Roxas dahil isa ito sa mga pinag-uusapang maaaring tumakbo sa 2016 presidential election.
Dapat naman talagang magbitiw na sa mga posisyong hinahawakan sa pamahalaan ang mga pulitikong nagbabalak tumakbo sa 2016 elections dahil bawal sa batas ang paggamit ng kahit na anong pondo mula sa mga ahensya ng gobyerno para sa layuning makapangampanya lamang. Sadyang makakapal nga lang talaga ang mukha ng maraming pulitikong ginagamit ang kanilang mga posisyon sa gobyerno para sa kanilang sariling kapakanan.
TALAGANG WALANG permanenteng kaalyado, kaibigan, o kaaway sa pulitika. Tingnan na lang natin ang pananatiling kabahagi ng United Nationalist Alliance (UNA), isang kapartido ni VP Binay at nananatiling kabahagi ng majority block sa Kongreso. Ang ganitong pagsasanib-puwersa ng dalawang magkasalungat na pagtingin sa pulitika ay nagpapakita lamang na ang pangunahing isinusulong sa pulitika ay ang pananatili ng kapangyarihan sa mas malakas na puwersang pulitikal sa Kongreso.
Sila ay magsasanib hangga’t nagagamit nila ang isa’t isa. Ang mga magkakalyado sa huli ay magbabanggaan din dahil maghahangad sila ng mas mataas na katungkulan sa pamahalaan. Ito mismo ang sigalot na bumabalot sa karera ni VP Binay. Isang power struggle. Ito rin mismo ang plot ng seryeng Game of Thrones. Ito ang katotohanang hindi natin matakasan kaya hanggang ngayon ay nananatiling bulok ang sistemang pulitikal sa bansa.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30am – 12:00nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo