BIGLANG BUKAMBIBIG NG marami ang Camarines Sur. Usap-usapan sa media, coffee shops, barberya, palengke at ibang public forum. Bakit?
Isang nagngangalit na unos ang nagbabantang humambalos sa lalawigan. Hindi unos ng kalikasan. Isang gawang-taong unos. Unos ng pagkaganid sa kapangyarihan. Katumbas sampung super typhoons. Maglulumpo sa isip at kaluluwa ng lalawigan para ‘di na bumangon kailanman.
Tinutukoy natin ang House Bill 4728 na naglalayong hatiin ang Camarines Sur. Panukala ay akda ni Rep. Arnulfo Fuentebella. Tinatantsang ito ay maipapasa sa Mababang Kapulungan. Ganyan, ayon sa marami kaimpluwensya si Fuentebella.
Bakit walang pangalang pinsala ang gagawin ng panukala sa Camarines Sur? “Ang bill ay highly divisive and counter-productive. It will derail the dramatic progress we have achieved in the fields of eco-tourism, sports, and upliftment of local economy. It is pure and simple gerrymandering calculated to benefit certain political groups. It will stop the clock of progress,” ayon kay Gov. Luis Raymund F. Villafuerte, Jr.
Parehong nakakangitngit at nakakahinayang kung ang panukala ay maipatutupad. Mahirap pigilin o puksain ang puwersa ng pagkaganid. Ngunit ‘di ito laging nagtatagumpay.
“Ipaglalaban namin ang laban na ito. ‘Di kami pasusupil sa anumang uri ng kaganidan. Gaya ng ginawang pagbangon ng aming lalawigan, kami’y magbibigkis-lakas. Tututol. Lalabanan ang pu-wersa ng kadiliman,” pahayag ng isang manipesto ng concerned citizens of Camarines Sur.
‘Di pa tapos ang laban. Nariyan ang Senado na nangakong maghahadlang sa panukalang batas.
Kelan makikitil ang kaganidan sa ating lipunan?
NALUNGKOT AKO SA ‘sang balita sa radyo. Tungkol sa kahirapang sinapit ng aking lifetime idol Tito Pepe Pimentel. Sabi, siya raw ay hirap na hirap sa buhay ngayon. Umaasa na lang sa awa ng mga natitirang kaibigan. Payat na payat. Biktima ng diabetes. Nagwawalis sa mga kalye sa Quezon City para pantawid-gutom.
Bakit ako nalungkot? Circa 60s. Aking kabataan at kasama sa memorya ko ang Student Canteen program araw-araw sa radyo. Dito hosts sina Tito Pepe, Eddie Ilarde, Bobby Ledesma at Leila Benitez. Hanep na kaligayahan at kaaliwan ang idinudulot ng programa sa milyun-milyong Pilipino. Naging host din siya ng mga bantog na programa noon sa ABS-CBN na Hamon Sa Kampeon kasama si Tiya Dely Magpayo at Kwarta O Kahon.
Si Tito Pepe ay ‘di lamang accomplished comedian. Isa siyang versatile singer ng Spanish repertoires. Aliw na aliw kami sa kanya. Subalit umikot ang gulong ng palad. ‘Di ko alam kung saan si Tito Pepe napadpad. Hanggang sa malungkot na balita.
Sana nama’y may mga Samaritenyo na magbukas ng puso at palad para sa kanya. ‘Di niya ako kilala personally. Subalit pinaaabot ko ang aking pagmamahal at pagdarasal. Mga paboritong awitin niya na umiindak pa sa aking alaala: Besa Mi Mucho, Historia de Un Amor, Noche De Ronda, at Spanish Eyes… Tito Pepe.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez