Gantimpala Para sa mga Taong-Grasa

NOONG NABUBUHAY pa ang aking lolo, makailang beses ko rin siyang sinamahan papunta sa isang ATM machine upang mag-withdraw ng kanyang benepisyo mula sa SSS. Tuwing lumalabas ang pera sa nasabing makina, makikita ang pigil na ngiti sa kanyang mukha. Pigil, dahil alam niya na hindi sapat ang halaga na kanyang matatanggap para sa kanyang pagkain at mga gamot. Sa mahigit apatnapung taon ng pagtratrabaho at paghuhulog sa SSS, dalawang libo lang ang kanyang nakukuha na pensyon sa isang buwan. Ngunit may ngiti pa rin. Alam niya na, maliit man, ito ang perang kanyang pinagpaguran na kinaltas ng gobyerno sa bawat buwan na siya ay nagtatrabaho. Pangdagdag na pambili na lang sana ng bigas, kinukuha pa ng SSS.

Para sa isang tapat na karaniwang manggagawa rito sa ating bansa, hindi madali ang mag-ipon para sa kinabukasan. Kulang na nga sa mga oportunidad, ginagatasan pa ng gobyerno ang bawat maliit na kinikita ng mga mamamayan. ‘Yan kasi ang kanilang palaging nakikitang solusyon. Hindi pa sapat ang paghahatian ng mga kurakot sa pamahalaan? Magdagdag ng buwis. Kulang pa ang mga natatanggap nila na bonus? Lakihan ang kaltas na SSS premium sa mga suweldo ng mga karaniwang empleyado.

Kamakailan lang, naging maingay ang naglalakihang bonus na ibinigay sa mga matataas na opisyal ng Social Security System o SSS. Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng umaabot na isang milyon na bonus. Napag-alaman din na nakatatanggap ang mga nasabing opisyal ng P30,000.00 hanggang P50,000.00 na allowance sa pagdalo lamang sa kanilang mga pagpupulong.  Galante.  Masyadong galante para sa isang bansa na hindi naman natutugunan ang mga batayang pangangailangan ng kanyang mga mamamayan.

Sinusubukan ngayon ng SSS na bigyang-katuwiran ang ginawa nilang pamamahagi ng naglalakihang bonus sa kanilang mga sarili. Ayon sa kanila, ito ay pabuya para sa maganda nilang pagganap sa kanilang mga tungkulin.

Nakatutuwa. Nasabi nila ito kahit na mahigit sa walong bilyon pa ang pautang na hindi nakukulekta ng SSS. Kahit na napakaliit pa rin ng pensyon na tinatanggap ng mga retiradong miyembro ng SSS. Kahit na ang simpleng pagkuha lang ng SSS card ay inaabot minsan ng dalawang taon. Kahit na pahirapan pa rin na makuha ang mga benepisyo na ipinapangako nila sa kanilang miyembro. Kahit na nakatakda na naman nilang dagdagan ang buwanang kaltas sa mga suweldo ng mga mahihirap nating kababayan.

Kung sinasabi ng mga matataas na opisyal ng SSS ngayon na dapat sila mabigyan ng pabuya at bonus dahil kumikita ng malaki ang SSS, pero ang kanilang stratehiya naman ay dagdagan ang kinakaltas na premium mula sa kanilang mga miyembro, tama nga naman sila. Natural na tataas ang kita ng SSS dahil ibinibigay lang nila ang pasanin sa kanilang mga miyembro. Inaangkin na naman nila ang bahagi ng suweldo na nagmula sa pawis, dugo, luha at sipon ng mga nagpapakahirap na magtrabaho. Pero ang ganitong stratehiya ay hindi produkto ng matalinong pag-iisip na may katumbas na gantimpala. Kahit taong-grasa kayang isipin ‘yan.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleMas Happy Dito!
Next articleDaniel Padilla , Sarah Geronimo at Jed Madella, big winners sa 5th Star Awards for Music!

No posts to display