ANG ISYU ng premature campaign ay matagal nang reklamo ng mga botanteng nag-iisip at kandidatong hindi mayayaman. Kaya nga ba sinasabi nilang ang pulitika ay para sa mga mayayaman lang, dahil sa maraming hindi patas na gawain ang pinapayagan ng Commission on elections (COMELEC) na pumapabor sa mga mayayaman, may pera, maimpluwensya, at maraming padrino.
Mapanonood na natin ngayon sa telebisyon ang mga patalastas ng mga pulitikong nagpapahiwatig ng kanilang intensyong tumakbo sa isang mataas na puwesto sa gobyerno sa 2016 election. Ang simpleng tanong ay bakit hinahayaan ng COMELEC ang ganitong uri ng panlalamang sa mga walang pambayad at walang perang kandidato? Ang reyalidad dito ay kung isa kang kandidatong walang pambayad sa pagpapalabas ng political advertisement mo, sorry ka na lang.
Ang COMELEC ay nagdiskuwalipika ng mga nanalong kandidato dahil lumabis umano ang kanilang ginasta sa eleksyon ayon sa itinatakda ng batas. Ang isa sa mga nasampulan dito ay ang dating gobernador ng Laguna na si ER Ejercito. Ngunit hindi ba nakaloloko na ginagawa itong paghahabol ng gobyerno sa mga pulitikong lumabis ang gastos sa eleksyon, habang pinapayagan naman din ng COMELEC ang mga pulitikong makapangyarihan at may pera para maglabas ng mga premature campaign na gumagasta ng daang milyon wala pa man ang panahon ng eleksyon?
HINDI KO maunawaan na idinadahilan ng COMELEC na may karapatan ang kahit sino na maglabas ng mga ganitong uri ng patalastas sa TV habang hindi pa pumapasok ang itinakdang campaign period ng COMELEC. Kahit pagbali-baliktarin pa ang mundo ay malinaw na premature campaign ang ginagawa ng mga mayayamang pulitiko at ito ay isang uri ng hindi patas na opurtunidad para sa lahat ng kandidato. Pinatutunayan lamang ng ganitong kaganapan na bulok ang COMELEC.
Maaari namang ipagbawal ang ganito kahit wala pang campaign period, dahil gumagastos nang labis at ginagamit nga rin ng mga mayayaman ang kanilang pera para makalamang sa kalaban sa posisyon. Daang milyon at umaabot pa sa bilyon ang pondong inilalabas ng mga pulitikong ito sa pagpapatalastas ng kanilang mga sarili sa TV. Tiyak na babawiin nila ang inilagak nilang pondo, dahil kailangang kumita ang perang na-invest sa pulitika. Dito nagsisimula ang isang vicious cycle ng korapsyon sa gobyerno. Ito ang parehong prinsipyo na umiiral kung bakit nililimitahan ng batas ang gastos ng kandidato sa loob ng election period. Kaya sa puntong ito, hinggil sa mga premature political advertisement, nababale-wala lamang ang batas na ito.
Isang kautusan lang ang kailangang gawin ng COMELEC ngunit hindi nila magawa. Samantalang maliwanag ang kamalian sa mga garapalang premature political campaign sa TV. Hindi naman ikamamatay o ikatatalo ng mga pulitikong nagpre-premature campaign sa TV kung hindi sila papayagan. Lalong hindi rin sila pinagkakaitan ng karapatan dahil ang nais nilang karapatan ay ang karapatang manloko ng tao at manlamang ng kapwa. Habang hinahayaan ng COMELEC at ng gobyerno ang ganitong gawi ng premature campaign ay sasamantalahin ito ng mga ganid, magnanakaw, at masasamang pulitiko. Patunayan din dapat ni PNoy ang kanyang tuwid na daan sa aspetong ito. Kaya lang, pati ang manok ng tuwid na daan ay may premature political advertisement din. Gawin dapat ni PNoy na patas ang labanan sa pulitika at hindi pumapabor lamang sa mga may pera, kapangyarihan, at impluwensya.
HINDI NA talaga maitatanggi na may kinalaman ang gobyerno sa disqualification case laban kay Sen. Grace Poe. Kailangang magbulag-bulagan ng COMELEC sa katotohanan. Kaya rin diniskuwalipika ng 2nd Division ng COMELEC si Sen. Poe sa kandidatura nito sa pagka-pangulo ay para siguraduhing hindi na makikihati pa ang senadora sa botong dapat sa tingin nila ay mapunta na lang kay Sec. Mar Roxas. Lumalabas tuloy ngayon na ang may bentahe sa mga botante ay sina VP Binay at Davao Mayor Rudy Duterte.
Kahit ano pang tanggi ang gawin ng Liberal Party (LP), pamahalaang Aquino, at ni Sec. Mar Roxas, sila ang pagbibintangan ng tao sa lahat ng kalbaryong dinaraanan ni Sen. Poe ngayon. Ngunit hindi rin natin dapat kalimutan na ang unang naglabas ng isyu na ito kay Sen. Poe ay si Congressman Toby Tiangco na dating spokesperson ni Binay at ng political party nitong si VP. Ngayon ay tila nananahimik lang ang kampo ni Binay sa isyung ito at nag-e-enjoy lang sa away nina Roxas at Poe, habang siya ay nakikinabang sa pagpapalapad ng papel sa mga tao gamit ang kanyang mga political advertisement.
NOONG NAKARAANG taon ay nagkaroon ng problema ang soft data ng biometrics ng mga botante sa pangangalaga ng COMELEC. Ngayon, patapos na naman ang isang taon at tila yata tuluyan nang nalugi ang gobyerno na aabot sa 3 bilyon piso, dahil sa pinasok nitong kontrata sa Smartmatic para sa mga counting machines na kakailanganin sa eleksyon sa 2016. Natitiyak kong darami pa ang mga kapalpakan ng COMELEC habang papalapit ang botohan sa susunod na taon.
Hindi naman kasi naayos ng COMELEC ang gusot sa pagkawala ng data para sa biometrics ng mga botante. Ang ginawa nila ay pinaulit lamang ng COMELEC ang pagpapakuha ng biometrics ng mga botanteng naapektuhan sa problema. Kaya lang ay hindi naman lahat ng mga botanteng apektado ay nakapagpakuha muli ng kanilang mga biometrics. Maraming botante ang hindi nakahabol sa pagpapakuha ng kanilang biometrics sa pagsasara ng COMELEC nitong buwan lamang ng November. Asahan na nating marami sa mga botanteng ito ang hindi makaboboto sa eleksyon at tiyak na katakut-takot na reklamo ang aabutin ng COMELEC. Ngayon, naghihintay lamang ang ilang mga grupong makakaliwa at sektor ng mga kabataan sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa petisyon nilang magbigay ng dagdag extension sa pagpapakuha ng biometrics para maraming bagong botanteng kabataan pa ang makalahok sa 2016 presidential election.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo