AYON SA aktor na si Gardo Verzosa, hindi kinailangan ng matinding convincing power para mapapayag niya si Daniel Padilla na sumayaw sa kanyang Tiktok. Nasa lock-in set daw sila noon ng The House Arrest of Us kasama si Daniel at ang girlfriend nitong si Kathryn Bernardo kaya pinagbigyan siya ng aktor.
“Hindi naman ako nahirapan actually. Kumbaga nilambing-lambing ko si Daniel and then nagsabi rin ako kay Kathryn (Bernardo). Natawa si Kathryn nung nagpaalam ako sa kanya and sabi nila, ‘Sige go!’” kuwento ni Gardo sa amin sa virtual presscon na ipinatawag ng Viva, ang bagong nagma-manage sa kanyang career ngayon.
Nagbahagi rin si Gardo ng karanasan niya habang ginagawa ang The House Arrest of Us ng Kathniel kung saan gumaganap siyang ama ni Daniel.
Kuwento ng aktor, “Nung naka-lock-in kami, magaan ang dating, eh, parang nagbabakasyon lang. Parang nagbabakasyon sa isang resort tapos walang katapusang kain nang kain kasi ang sasarap ng pagkain.
“And then, walang mga pasaway. Kumbaga, okey yung chemistry ng grupo. Hindi ka makakaramdam nung parang maalibadbaran ka sa paggawa nung project at siguro yon din yung dahilan kung bakit smooth sailing yung paggawa namin nung project at hindi ka naapektuhan nung pagkaka-lock in sa ‘yo.”
Eh, sina Daniel at Kathryn, kumusta naman silang katrabaho?
“Seryoso sila sa trabaho nila, sa craft nila at napaka-sweet nila, napakagaang katrabaho. Sabi ko nga, sana sila yung pamarisan ng mga teenagers ngayon na may mga relationship, kasi like for me, ideal yung sa kanila, eh, how they handle it. Saludo ako do’n sa dalawa,” papuri niya sa magkasintahan.
When asked kung okey ba sa kanya ang new normal set-up ng shooting, aniya, wala naman daw siyang nagiging problema dito.
“Ang okey, siyempre bago kayo i-lock-in o bago n’yo gawin yung project sigurado kayo na lahat safe kasi may mga swab test pa. Isa pang positive do’n sa lock-in is yung working hours na unlike before, siyempre dahil kailangan nating maging fit and healthy, so dapat lang na hindi sinasagad sa orasa, hindi nagpupuyat. Klarong nasusunod ngayon yung mga cut-off time.
“Yung downside naman non, siyempre limitado na yung tao sa set. So siyempre automatic na pag nililimitahan mo yung mga dating may trabaho mawawalan na ng trabaho ngayon.
“Dati, tulad noon, nakakauwi-uwi ka pero yung ngayon may certain lock-in period kayo kaya kailangan mo talagang mag-stay kung saan man yung location ninyo,” pahayag ng aktor.
Patuloy niya, “Ngayon, hindi ka masyadong puwedeng maging touchy, di ba? Unlike before na pagdating pa lang (sa set), may beso, may yakap. Nakaka-miss din yung ganun. Ngayon wala na munang ganun kasi nga may mga safety protocols na sinusunod.”
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Gardo na sa kanyang edad ay inalok pa siya ng management contract ng Viva.
“Nakakataba ng puso. Masarap yung feeling. Iba rin yung bina-backup-an ka ng isang malaking kumpanya. Na-excite kami ni misis dahil lalawak ang playing field. May nila-line up na sila, may movies, series na gagawin din sa YouTube Channel,” reaksyon ng tinaguriang Machete ng local showbiz.