HINDI natuloy ang pagbubukas ng mga sinehan na naka-schedule sana noong February 15, 2021. Sa March na lang daw ito itutuloy ayon sa Metro Manila mayors dahil marami pang dapat ikonsider.
Ayon sa aktor na si Gardo Verzosa, dapat ay tulungan ng gobyerno ang entertainment industry at ang moviegoers sakaling mag-reopen na ang mga sinehan.
“If ever na buksan, sana yung mga kakailanganin kung sakali ay sagutin na ng gobyerno yon. Kasi kumbaga, yung sine isang form ng pagsasaya yan eh, kahit papaano mapupukaw yung lungkot ng tao,” pahayag ni Gardo sa presscon ng Ayuda Babes.
Dugtong ng aktor, “Eh, ngayon kung dadagdagan mo na naman ng gagastusin, gastos na naman sa mask, gastos na naman sa shield at malamang dyan may iba pang pagkakagastusan, feeling ko pag ganyan dinadagukan mo lang nang husto ang taong bayan.”
Isang taon ng nararanasan ng mga Pinoy ang pandemya at maraming pamilya ang hindi lumalabas dahil sa takot sa COVID-19 virus kaya marami na rin ang excited na manood ng pelikula sa mga sinehan.
“Kasi hindi naman biro yung halos isang taon tayong nasa pandemya pagkatapos ayan na lang yung isang makakapagpasaya pagkatapos magdadagdag ka pa ng ano. Dapat nga tumulong sila don sa mga ikabababa ng singil kung sakali,” lahad pa niya.
“Para kasing niloloko na ang mga tao. Magsasabi nga ganito, para gawin tapos babawiin. Ano ba talaga? Kaya ako mas naniniwala to really have a healthy lifestyle.
“Pasintabi sa mga naninigarilyo. Hindi ba bakit nandiyan pa rin? Kaya pagdating sa vaccine, depende pa rin ‘yan sa mga mangyayari. Ako kasi mayroon akong Bike Club. At hangga’t maaari eh, healthy eating din,” pahayag ulit ni Gardo.
Samantala, bading na barangay chairman ang role ni Gardo sa Ayuda Babes ng iWantTFC at Ktx.PH na mapapanood simula March 5. Ani Gardo, enjoy siya sa ganitong klase ng role at sa company ng mga beki na kasama niya sa pandemic comedy film na idinirek ni Joven Tan.
“Feeling ko, siguro yung past life ko beki ako kaya masyado kong nai-enjoy yung company nila. Kumbaga, isa nga don sa mga nag-viral yung Tiktok namin nina Negi. Masayang-masaya ako sa piling ng mga binibining marikit.
“Gustung-gusto kong gumaganap na beki kasi feeling ko parang yan yung pinaka-colorful na character. Parang hindi mo pinipiling mag-drama pero may time na may drama kang makikita, masaya siya, may aksyon din,” kuwento ng aktor.
Kasama ni Gardo sa Ayuda Babes sina Joey Paras, Iyah Mina, Juliana Parizcova Segovia, Negi, Brenda Mage, Petite Brockovich, Bernie Batin at Ate Gay.