MAHIGIT DALAWANG buwan na ang nakararaan – February 4, 2013, tinalakay ko sa espasyong ito ang hinggil sa talamak na smuggling ng bawang sa bansa. Sa nasabing artikulo na may pamagat na “The Untouchables”, binanggit ko ang tungkol sa pagbibigay ng monopolya sa pag-iisyu ng import permit (IP) ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa ilang kumpanya na pagmamay-ari ng iisang tao. Ito ay ayon na rin sa impormasyon na aking nakalap noon mula sa isang mapagkakatiwalaang source sa loob ng BPI.
At nitong mga nagdaang araw lamang, pumutok sa media ang hinggil sa lumalalang garlic smuggling sa bansa. Nakadaragdag pa rito ang pagkalat umano ng mga imported garlic sa merkado na nabigyan ng IP ng BPI.
Pero ayon sa BPI, hininto na nila ang pagbibigay ng IP para sa mga bawang noong nakaraang taon pa. Ngunit ayon sa aking source sa BPI, noong August ng nakaraang taon ang huling release ng mga IP na ibinigay nila sa mga kumpanya na pag-aari umano ni Leah Cruz, presidente ng Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association of the Philippines (VIEVA).
Buwan ng Oktubre nag-expire ang nasabing mga IP pero pagkatapos ng expiration ng mga ito, tinatatakan umano ito ng “extended”.
Ayon naman sa aking source sa Bureau of Customs, linggo-linggo, 26 na containers ng mga imported na bawang ang patuloy pa ring pumapasok sa bansa gamit ang mga “extended” na IP.
At noong nakaraang Biyernes, April 26, sumulat na ang tanggapan ni BoC Deputy Commissioner for Intelligence Group Danny Lim sa BPI para kumuha ng confirmation ukol sa pagiging lehitimo ng mga “extended” IP.
IN FAIRNESS kay Cruz, ayon pa rin sa aking source, baka raw nagagamit lamang siya ng ilang opisyal sa Department of Agriculture (DA) at BPI.
At ang mga taong ito ang kumikita ng limpak-limpak na salapi at hindi siya. Dagdag pa ng source, kung tutuusin, hindi lamang dapat si Cruz ang aako ng lahat ng sisi tungkol sa mga “extended” IP na ito dahil hindi lang naman raw siya ang nabibigyan nito – bagama’t mas marami ang sa kanya.
Sa kaso ni Cruz, ipinahihiram niya umano ang kanyang mga IP sa mga financier/importer ng bawang sa kundisyong siya umano ang mag-facilitate ng kanilang mga container sa mapagkasunduang halaga ng brokerage fee.
Pero kung ganoon, bakit tinutumbok pa rin ng pagpapahiwatig ng ilan si Cruz gayong hindi naman pala niya ipinagdadamot ang mga nakukuha niyang IP?
Ayon sa source, gusto raw kasi ng mga importer na nakalagay sa sarili nilang pangalan ang IP. Bukod pa rito, gusto rin nilang makamura sa brokerage fee dahil medyo may kamahalan daw ang singil ni Cruz – P350,000 per container umano.
DAGDAG PA ng source, marami ang nagbabakasakali at nag-aaplay pa rin daw ng IP para sa bawang. Pero pagdating sa BPI, nare-reject ang kanilang application. Kapag sila ay nagpumilit, nakatatanggap sila umano ng mga pahiwatig mula sa ilang mga kawani ng BPI na si Cruz ang makatutulong sa kanila.
Sinubukan naming tawagan si Cruz sa VIEVA para kunin ang kanyang panig tungkol sa usaping ito. Pero ayon sa isa niyang staff na nagpakilalang Girlie, si Cruz ay nasa Quezon province para sa isang pagpupulong-pulong at ‘di puwedeng makontak.
Kung gusto talagang matuldukan ng Malacañang ang usaping ito, dapat hingan nila ng paliwanag si BPI Director Clarito Barron. Makatutulong din ang paghingi nila ng paliwanag mula kay DA Secretary Proceso Alcala.
Isabay na rin ng Malacañang ang pag-uusisa kung bakit karamihan sa mga opisyal na inilagay ni Alcala sa DA at mga attached agencies nito ay pawang mga taga-Quezon province na tulad niya.
Shooting Range
Raffy Tulfo