MAKASAYSAYAN NGA YATA ang As 1 concert nina Gary V at Martin Nievera na magaganap sa Mall of Asia (MOA) sa Sept. 19, 8 P.M..
Nahihiya raw humirit sina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan, Jinkee Paquiao, KC Conception, Toni Gonzaga, among the many other celebrities na bumibili (take note) dahil hindi lang pami-pamilya ang dadalhin nila kundi barka-barkada at mga balikbayan na nagpapa-reserba sa kanila ng tikets. Marami pa ang ayaw magpabanggit ng pangalan for the same reason. Baka raw akalain ni Gary V na nagpapalibre sila, eh, hindi lang isa o dalawa ang kailangan nila. Tsaka, nag-uunahan din sila sa pagkuha ng front row tickets.
First in the history of concert events ang pangyayaring ito kung kaya’t hindi makapaniwala ang event organizers.
Pero, totoo bang mas marami among the tiket buyers ang nagsasabing si Gary ang sadya nila at hindi si Martin? Mas maraming fans kung gayun si Gary V kasya kay Martin!
Isang sorpresa rin ang naghihintay sa kanila sa ASAP (Sabado namin sinusulat ang column na ito). Gold Record na agad ang As 1 album nila. Another milestone in the music scene.
NAKAKA-ALARMA NA ANG masaklap na nagaganap sa munting bayan ko sa Botolan, Zambales. Sentro ito ngayon ng kalamidad ng mga bagyong dumaan sa ating bayan.
Kung noong una ay nasasabi kong pinapatnubayan kami ng Ina Poonbato dahil kahit nasira o bumigay ang dike at maraming bahay, bukid, hayop ang naapektuhan ng rumaragasang tubig, wala naman ikakong namatay.
Pero, iba na ngayon. Dahil sa bagyong Labuyo, may tatlong guward’ya ang natabunan ng lupa sa isang minahan na natagpuang patay na. Mayroon ding isang malaki at konkretong bahay sa barrio Bangan ang bigla na lang nawala, dahil inanod ng naglalakihang alon. Sa matinding pagkabigla, inatake sa puso ang may-ari nito na namatay rin kahit naisugod pa sa hospital.
Gustuhin ko mang humingi ng tulong sa ilang artistang dinala ko na sa Botolan noon tulad nina Lorna Tolentino, Victor Wood, Alma Moreno, Maricel Laxa, Eric Quizon, Ruffa Gutierrez, Maja Salvador, John Wayne Sace, Jason Abalos, Kristel Moreno, hindi ko naman ito madadala dahil ako mismo ay hindi nakakauwi sa aming bayan. Hindi pa rin kasi makakarating sa Bucao River at nakakatawid ang mga sasakyan patungong Carael at mga na-stranded sa kani-kanilang baryo. Tanging helicopter at ABS-CBN Foundation ang nakararating doon.
Naalaala ko rin na ang malalaking alon ngayon na pumatay sa ilang kababayan ko ay siyang dinayo noon ng Regal Films para i-shoot ang Pahiram Ng Isang Umaga na tinampukan nina Vilma Santos, Gabby Concepcion, Zsa Zsa Padilla at Eric Quizon.
May isang memorable movie ring ginawa sina Dina Bonnevie at Gary Estrada under Viva Films sa Arle Beach noon (Ambay na ngayon).
Lately, dinala din ng kabaryo kong si Angel Balangon-Jesta (production designer) ang pangkat nina Piolo Pascual, Regine Velasquez at Eugene “Kimmy Dora” Domingo para sa pelikulang Paano Kita Iibigin?.
Ang eksenang nagmomotorsiklo sina Piolo at Regine ay naganap sa makasaysayang tulay ng Bucao River at baryo Carael (na hindi na nadadaanan ngayon). Ang 4 na oras na biyahe mula Maynila hanggang Botolan noon ay 9 na oras nang lakbayin ngayon.
Kahit si Judy Ann Santos ay nakapag-shooting na rin doon. Katambal pa niya si Wowie de Guzman. Ganoon din si Joyce Jimenez nang gawin niya para sa Imus Production ang Ang Galing, Galing Mo Babes.
Maliit , pero, napakaganda at napakatahimik ng aking maliit na bayan. Sana, ma-preserve ang mga natural resources doon na binabalik-balikan ng inyong lingkod.
BULL Chit!
by Chit Ramos