DUMARAMI MAN ang krimen sa ating bansa tulad ng pagnanakaw, panghoholdap, pangongotong atbp., hindi pa rin maitatanggi na marami pa rin ang mga Pilipinong tapat at may pagmamalasakit sa kapwa.
Magandang halimbawa rito ang building attendant ng NAIA 2 terminal na si Ronald Gandayan na nagsauli ng isang “Burberry” bag na kanyang nakita sa ilalim ng upuan sa loob ng airport. Naglalaman ito ng pera, alahas, relos at salamin na nagkakahalaga ng P1.8 million.
Isa pang halimbawa rito ay si Jaime Mayor na isang kutsero sa Luneta. Naiwan ng kanyang pasahero na isang French national ang kanyang bag na naglalaman ng €4,000 o P20,000. Dahil dito, ginawaran si Mayor ng Dangal ng Rizal Park Award para sa kanyang katapatan.
ISA RIN sa mga saksi ng katapatan ng ating mga kababayan ang aming programang WANTED SA RADYO, kung saan napakarami ng taxi drivers and lumapit sa Action Center ng WSR at nagsauli ng mahahalagang bagay na naiwan sa kanilang minamanehong taxi gaya ng cell phone, laptop, camera, mahahalagang dokumento, pera, atbp.
At noon ngang Nobyembre 28, 2012, Miyerkules, sa studio ng Radyo5 WSR, sa ikatlong Gawad Katapatan, siyam na drivers at isang pasahero ang muling ginawaran ng medalya bilang pagbibigay-pugay sa kanilang hindi matatawarang katapatan sa kanilang kapwa.
Ang siyam na magigiting na drivers na nagawaran ng medalya ay ang mga sumusunod: BERNARDO G. BALANTUCAS, MGE Taxi; ARNIEL O. ABEJUELA, TTSC Taxi; RODERICK G. REYES, EEA Taxi; JUANITO P. ONA, GCAJ Taxi; MICHAEL M. HERALDEZ, Polanne Taxi; RUBEN B. BONAO, Ninong Al Taxi, ARCHIE M. GARCIA, Monariel Taxi; RAMON D. SEVILLA, Modern Chariot Taxi; ROMEO O. ALONZO, TM Taxi; at ang tanging hindi driver kundi isang pasahero ng taxi na si ADELAIDA V. ALLANI.
Bukod sa medalyang natanggap ng mga huwarang taxi drivers mula sa WSR, nakatanggap din sila ng certificate at gift packs mula sa Pagcor Philippines, Federal Tires, ATC Healthcare Corp. na siyang gumawa ng Robust, RedoXfat, Livermarin, Fish Oil at Wild Tiger. Sila rin ay nakatanggap ng P500 bawat isa mula sa Presidente at CEO ng TV5 network na si Atty. Rey Espinosa.
TUNAY AKONG nagpapasalamat at sumasaludo hindi lamang sa aming mga awardees kundi pati na rin sa lahat ng Pilipinong tapat at may paninindigan. Nawa’y mahawahan ng inyong magandang ugaling katapatan ang iba pang Pilipino.
Sana’y patuloy na maging inspirasyon ang aming parangal upang maipagpatuloy ninyo ang katapatang inyong naipamalas. Kayo ay patunay na ang mga Pilipino ay mapagkakatiwalaan pa rin sa kabila ng napakara-ming krimen ng ating bayan.
Na hindi alintana ang kahirapan ng buhay para magpakita at magpamalas ng katapatan, kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa, na kahit sino man ay maaaring maging bayani. Napatunayan ninyo na walang katumbas na halaga o kayamanan ang dignidad ng isang tao.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00–4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo