NOONG MARCH 22, 2013, Biyernes, muling ginanap ang pagbibigay parangal sa sampung tapat na mga listener ng programang Wanted Sa Radyo sa studio ng 92.3FM, Radyo5. Silang lahat ay nagsoli ng mga pera at mahahalagang bagay sa WSR na kanilang napulot upang maibalik sa mga may-ari nito.
Ang walo sa kanila ay mga taxi driver, samantalang ang isa ay driver ng UV Express, at ang isa naman ay estudyante. Ang mga nabigyan ng medalyang Gawad Katapatan ay ang mga sumusunod: (1.) Manuel E. Tesiorna ng R. Villegas Taxi – nagsoli ng Iphone 5. (2.) Jonathan L. Lumangtad ng Balat @ Fe Taxi – nagsoli ng Ipad Apple laptop. (3) Nestor G. Catarining ng UV Express – nagsoli ng dalawang wallet na naglalaman ng kabuuang halagang P8,600. (4.) Rolly P. Soria ng FG-MPEJ Taxi – nagsoli ng eletric bass guitar. (5.) Roman A. Mandia ng Monariel Taxi – nagsoli ng bag na may lamang P5,550. (6.) Rodelio J. Tayasan ng Winsome Taxi – nagsoli ng Blackberry Curve. (7.) Cerbito J. Adriatico ng Rodaladd E-Taxi Cub – nagsoli ng Samsung Galaxy Pop. (8.) Eduardo B. Satorre ng Rylee & Rein Taxi – nagsoli ng limang passport. (9.) Quirino D. Abapo ng Route Taxi – nagsoli ng Nokia cellphone. (10.) Peter Anthony M. Bulan, estudyante ng Our Lady of Fatima.
Si Jonathan ay nakarating pagkatapos na ng awarding ceremony dahil naipit sa traffic at hindi na nakasama sa group picture-taking. Gayundin si Rodelio na hindi nakara-ting dahil naipit sa isang mahalagang lakad.
Ang lahat ng mga nasoling pera at bagay ay naibalik sa mga may-ari nito. Pero ang sobrang laking pasasalamat ay ang may-ari ng mga passport dahil kinabukasan – matapos masoli sa amin ang kanilang mga passport at mapasakamay nila, nakatakda ang kanilang pagbiyahe sa abroad bilang mga OFW.
Bukod sa medalya, ang bawat awardee ay nakatanggap din ng Honesty Certificate, gift pack mula sa ATC Healthcare Corporation at Federal Tires, at P500 cash na iginawad ng President and CEO ng TV5 at Radyo5 na si Atty. Ray Espinosa.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Matutunghayan din ang inyong lingkod tuwing Sabado, 6:30pm sa Aksyon Weekend News sa TV5.
Para sa mga nais magparating ng sumbong sa mga programa ng inyong lingkod, mag-text lamang sa 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 at 0908-87TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo